“LAME DUCK President na naman si Barack Obama,” wika ni Labor Secretary Silvestre Bello III. Dahil lame duck President si Obama, iyong ginawa ni Pangulong Digong, na sa pagkakaintindi ng mga nakarinig at nakabasa sa kanyang sinabi ay minura niya ito, ay hindi na dapat pinapansin o pinalalaking isyu. Para niyang sinabi na walang kuwenta ang nagawa ni Pangulong Digong kay Obama dahil ganito na nga siya, isang lame duck President.

Ang Pangulo ay tinatawag na lame duck dahil patapos na ang kanyang termino. Bumibilang na lang siya ng araw sa kanyang puwesto at papalitan na siya. Sa Amerika, halalan na ng panguluhan sa Nobyembre, kaya ilang buwan na lang ay papalitan na si Pangulong Obama ng sinumang mahahalal kina Hillary Clinton at Donald Trump, na pangunahing nagtutunggali. Pero, hindi komo maikli na ang panahong ilalagi ni Pangulong Obama sa posisyon ay naapektuhan na ang kanyang pagkapangulo. Kahit ano pa ang sabihin ng sinuman, gaya ng tinuran ni Sec. Bello, nananatiling Pangulo si Obama ng pinakamalakas at pinakamakapangyarihang bansa sa buong daigdig.

“Independent foreign policy ang aking isusulong,” sabi ni Pangulong Digong. Sa kanyang pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa, ang gabay daw niya ay ang kapakanan ng mamamayang Pilipino. Sa mga naging Pangulo ng bansa, si Pangulong Digong lang ang naringgan natin nito. Napakalaking bagay nito sa hangarin nating umunlad.

Walang nakakaalam kung ano ang ikabubuti ng mga Pilipino kundi mga Pilipino mismo. Kaya, nahihirapan tayong umunlad dahil yumuyuko tayo sa kagustuhan ng mga dayuhan. Ang idinidikta nila sa atin ay maamo nating sinusunod kahit ang mga ito ay napakapait na pildoras na magbabaon sa atin sa kahirapan.

Pero sa gawa dapat itinataguyod ang ating interes. Hindi ito nakukuha sa tapang at lupit ng pananalita. At lalo lang hindi ito naisusulong sa personal na atake sa pinuno ng banyagang bansa, lame duck man siya o hindi. Tulad ni Obama, kinakatawan niya ang kanyang bansa at mamamayan na anuman ang hindi magandang sinasabi o sasabihin sa kanya ay lalatay sa mga ito. Pinalulubha mo lang ang epekto ng latay na ito nang tawagin mo’ng lame duck lang din naman ang kanilang Pangulo.

Hindi isyu kung lame duck si Pangulong Obama, ang isyu ay ang paggalang sa kapwa mo pinuno ng bansa, maliit man o malaki, na sa pamamagitan nito ay higit mong maitataguyod ang kapakanan ng iyong bansa. Higit na magiging mapayapa ang relasyon mo sa mga kapwa bansa na hindi maaapektuhan ang iyong paninindigan para sa ikabubuti ng iyong mamamayan.

(Ric Valmonte)