Nahaluan ng kalungkutan ang dapat sana’y selebrasyon para kay Woman International Master Janelle Mae Frayna matapos mabigo ang Philippine women’s team kontra 15th seed Mongolia, 1½-2½ , habang nakatabla ang men’s team kontra 26th seed Argentina matapos ang Round 9 ng 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Sa idad na 64-anyos, nanatiling matikas ang kaisipan ni Grandmaster Eugene Torre (2447) nang gapiin si GM Diego Flores (2595) sa Board 3 para maitala ang ikapitong panalo at patatagin ang kampanya para sa individual title, habang tinalo ni GM Julio Catalino Sadorra (2560) si GM Sandro Mareco (2606) sa Board 1.
Ngunit, nabigo sina GM John Paul Gomez (2492) gamit ang puting piyesa kontra GM Federico Perez Ponsa (2585) at si IM Paulo6 Bersamina (2408) kontra GM Alan Pichot (2536) para sa 2-2 iskor at makamit ng men’s squad ang siyam na match point.
Nahulog ang 53rd seed Pinoy squad sa ika-56 puwesto tangan ang kabuuang 22½ puntos. Sunod nitong makakalaban ang 63rd seed Scotland na may natipon namang dalawang match point.
Ininda naman ng 46th seed women’s team ang tanging kabiguan kontra sa 15th seed na Mongolia matapos na matalo si WIM Jan Jodilyn Fronda (2128) kay IM Tuvshintugs Batchimeg (2391) sa Board 2.
Ito ay matapos na makipaghatian ng puntos sina WIM Janelle Mae Frayan (2281), WIM Catherine Secopito (2119) at WFM Shania Mae Mendoza (1965) kina IM Davaademberel Nomin-Erdene (2422), WGM Altan-Ulzii Enkhtuul (2288)at WIM Uuganbayar Lkhamsuren (2147), ayon sa pagkakasunod.