Isang lalaking high school student, na umano’y nagbebenta ng droga, ang pinagbabaril at napatay ng riding-in-tandem habang mahimbing siyang natutulog sa loob ng kanyang bahay sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Ayon sa pulisya, dakong 2:15 ng umaga at himbing na natutulog si Albert Samson, 17, sa loob ng kanyang bahay sa Barangay 20 nang pasukin at pagbabarilin siya ng dalawang armadong lalaki—na estilong vigilante.
Batay sa report, matapos umalingawngaw ang mga putok ng baril ay tumakas ang mga suspek sakay sa motorsiklong walang plaka, at nang mag-usisa ang mga kapitbahay ay nakita nila ang binatilyo na duguang nakahandusay.
Kinumpirma ng mga doktor na nagtamo ng pitong tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan, nasamsam kay Samson ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, ayon sa mga pulis.
Sinabi ng mga kapitbahay na nagbebenta ng droga sa kanilang lugar ang binatilyo, at dinadayo ng maraming kapwa menor de edad ang bahay nito upang doon magsagawa ng pot session. (Jel Santos)