MARAMI nang nagawang projects si Dingdong Dantes sa GMA Network pero ngayon lang siya gagawa ng television series na kumpleto ang lahat ng genre: action, drama, adventure, comedy at love -- ang Alyas Robin Hood.
“Medyo mahirap dahil kailangan ko talagang paghandaan ito,” kuwento ni Dingdong sa grand press launch ng kanyang bagong serye. “Physically, mentally, kailangan kong pag-aralang lahat ito. Bilang Robin Hood, kailangan kong pag-aralang lahat kung paano gumamit ng pana, kung paano maging asintado sa patatamaan mo. Salamat sa mga instructors namin, nagagawa ko naman, sa tulong din ng mahusay naming director, si Dominic Zapata.”
Gaganap ding lawyer si Dingdong, kaya kinailangan niyang manood ng mga pelikula na may ganitong tema dahil may court drama rin siya, bago siya na-frame up at napagbintangang pumatay sa kanyang ama.
“Hindi rin ako pwedeng maging kampante lamang sa alam ko sa acting, dahil ang huhusay ng mga kasama ko, sina Christopher de Leon, Jaclyn Jose, Cherie Gil, Sid Lucero, Paolo Contis at ang dalawa kong leading ladies, sina 2013 Miss World Megan Young at Andrea Torres.
“Si Megan, iba naman dito. Una ko siyang nakasama bilang host ng Starstruck 6 at dito she will play the role of Sarri, a pediatrician, the love of my life sa story, pero paghihiwalayin kami ng mga sitwasyon.
“Si Andrea una ko siyang nakasama sa My Beloved at huli iyong sa Pare Koy at nakita ko ang changes niya sa acting dito, as Venus, siya kasi iyong palaban ang character at siya ang tutulong sa akin to solve the crime na hindi ako ang gumawa.”
Nami-miss ba niya ang mag-ina niya lalo na ngayong three times a week na siyang nagti-taping?
“Nakaka-miss, like today (Linggo, Setyembre 11), pareho kaming wala ni Marian, dahil nag-guest ako sa kanilang Sunday Pinasaya, nandoon si Baby Zia sa mommy ko. Kasama na niya ngayon ang mommy niya at after this, susunduin ko na sila para sabay-sabay na kaming umuwi.”
Anu-ano na ang nagagawa ni Baby Zia ngayong nine months old na ito?
“Nag-a-attempt na siyang tumayo at gusto na niyang lumakad, kaya alalay namin siya ni Yan na inilalakad kahit ten steps lang at kita namin ang enjoyment niya. Sa pagitan pa rin naming mag-asawa natutulog si Zia, kaya kung minsan siya ang gumigising sa amin.”
Baby boy na ba ang kasunod ni Zia at kailan siya susundan?
“Kung ano ang ipagkaloob sa amin ng Panginoon, at kung kailan niya ibibigay sa amin ang magiging kapatid ni Zia.”
(NORA CALDERON)