SA unang pagkakataon, o masasabing kasaysayan at bahagi ng pag-unlad ng bayan ng Jalajala, ang nakatakdang pagbubukas ng automated teller machine (ATM) ng Land Bank of the Philippines (LBP), sa pamamagitan ng sangay nito sa Tanay.

Natupad ang pagbubukas ng ATM booth ng LBP matapos magkasundo ang lokal na pamahalaan ng Jalajala, sa pangunguna ni Mayor Ely Pillas; at ni Ms. Maria Irma P. Ramos, branch manger ng LBP sa Tanay. Lumagda sila sa memorandum of agreement (MOA) nitong Setyembre 6. Ang paglagda sa MOA ay ginawa sa tanggapan ni Mayor Pillas.

Ang paglagda sa MOA ay sinaksihan ng mga miyembro ng Sanggunian Bayan, sa pangunguna ni Vice Mayor Jolet de los Santos, ng mga department head ng pamahalaang bayan, ng mga empleyado ng munisipyo, at ng mga pinuno ng non-government sectoral federation.

Batay sa MOA, ang LBP ay uupa o magbabayad ng espasyo sa municipal compound ng Jalajala. Sa nasabing lugar itatayo ang ATM booth, sa pamamahala ng Land Bank Easy Access Facility (LEAF).

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Pangunahing layunin ng pagtatayo ng ATM booth ng LBP sa Jalajala na ipagkaloob ang banking services o mga paglilingkod ng bangko sa mga personnel, mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng Jalajala, mga guro sa pampubliko at pribadong paaralan, mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng pamahalaan, at iba pa. Ang itatayong ATM booth ay inaasahang magiging operational sa Disyembre.

Sa pagtatayo ng LBP ng ATM booth sa Jalajala, halos nagkakaisa ang mga taga-Jalajala sa pagpapaabot ng kanilang matapat na pasasalamat kay Mayor Pillas, sa pagsisikap nito na magkaroon ng ATM booth sa kanilang bayan.

Napakalaking tulong ito sa kanila sapagkat hindi na sila kailangang magbiyahe pa patungo sa Tanay upang doon mag-withdraw. Makatitipid na sa pasahe at oras ang mga taga-Jalajala, na karaniwang gumagastos ng P40 o higit pa. Ligtas pa sila sa mga tamad at tarantadong mandurukot sa Tanay.

Ang Jalajala ang huling bayan sa silangang bahagi ng Rizal. Isa itong agricultural town na ang hanapbuhay ng mamamayan ay pagsasaka, paghahalaman at pangingisda. Ang ibang propesyonal ay nagtatrabaho sa mga pabrika at tanggapan sa mga karatig bayan, ang iba naman ay sa ibang bansa naghahanapbuhay. Tahimik at malinis, ang Jalajala ay tinatawag ding “Paraiso ng Rizal”.

Sa mga unang taon ng panunungkulan ni Mayor Pillas sa Jalajala, mula sa pagiging 6th class municipality ay naiangat ito sa pagiging 3rd class. Naparating ang serbisyo ng Manila Water, at naipaayos ang ospital, sa tulong ng pamahalaang panglalawigan. Prayoridad niya ang edukasyon at kalusugan, kaya naman nagkaroon ng mga school building at nakapagpagawa ng bagong munisipyo. (Clemen Bautista)