RIO DE JANEIRO (AP) — Winalis ng United States ang women’s Paralympic triathlon nitong Linggo (Lunes sa Manila) nang magkakasunod na tumawid sa finish line sina Allysa Seely, Hailey Danisewicz at Melissa Stockwell.
Dumausdos ang luha sa kanilang pisngi nang magkakasama sila sa podium, habang inaawit ang US National Athem.
“It’s a great day for America,” sambit ni Danisewicz, nagwagi ng silver, may 48 segundo ang layo kay Seely na tumawid sa tyempong 1 oras, 24 minuto at 55 segundo.
“On some very, very small level, it proves that Americans have a really great spirit and that whatever setbacks, challenges, obstacles come our way, (we) can rise from the fire,” aniya, patungkol sa paggunita ng America sa trahedya ng Sept. 11 terror attack.
Naputulan ng kanang paa si Stockwell dulot ng roadside bomb sa Iraq noong 2004 para opisyal na tanghaling kauna-unahang babaeng sundalo ng US na nabiktima sa tour of duty.
Nakamit niya ang bronze medal sa tyempong 1:25:24.
“When it got really tough out there I thought of those that gave the ultimate sacrifice and didn’t make it back,” pahayag ni Stockwell.
“They pushed me to the finish — just wanting to give my thanks to them.”
Sinalubong nina Seely at Danisewicz, kapwa sumabak sa Paralympics sa unang pagkakataon, ang kababayang si Stockwell sa finish line habang iwinawagayway ang maliit na bandila ng America.
Liyamado si Stockwell bilang three-time paratriathlon world champion, ngunit masaya na siya sa napagwagihang bronze medal.