Sinabi kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sinisikap pang kumpirmahin ng mga intelligence operative kung ang Abu Sayyaf Group (ASG) ang nasa likod ng pagdukot sa tatlong Malaysian sa karagatan ng Sabah malapit sa resort ng Pulau Pom Pom sa Semporna nitong weekend.

Ayon kay Major Filemon Tan, Jr., tagapagsalita ng AFP-Western Mindanao Command, nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga intelligence operative mula sa Tawi-Tawi at Sulu upang matukoy ang mga aktuwal na detalye sa pagdukot.

“Lahat gumagalaw ‘yan, lahat gagalaw ‘yan. So magkakaroon ng intelligence sharing ‘yan na tinatawag. Meaning Tawi-Tawi and Sulu nagko-compare ng notes ‘yan,” ani Tan, idinagdag na kabilang sa mga layunin ng militar ang maharang ang mga kidnapper at mabawi ang mga bihag.

“Yes. Kung sa atin talaga pumunta, kasi may ano nga, eh, may issue pa d’yan, eh. Ang lakas-lakas ng alon, nagawa nila ‘yun? Ibig sabihin, according to the Navy, mahirap maitawid nila ‘yan sa atin dahil sa situation sa dagat,” sabi ni Tan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Naniniwala si Tan na hindi mangangahas ang mga kidnapper na magbiyahe nang ilang oras upang marating ang Mindanao.

“Hindi nila itutuloy ‘yun (biyahe patungong Mindanao) basta-basta kasi malapit lang sa resort ng... Naitimbre ‘yan, kasi malapit lang sa resort ‘yung pinangyarihan, sa Semporna. Four hours kasi ang biyahe, magiging vulnerable sila.

Ang gagawin n’yan itatago muna nila ‘yan,” ani Tan, idinagdag na malaki ang posibilidad na sa Malaysia pansamantalang itinago ng mga suspek ang mga bihag.

Gayunman, hindi itinanggi ni Tan ang posibilidad na ibang grupo ang nagsagawa ng kidnapping at ginagamit lang ang Abu Sayyaf para kumita sa ransom.

“We are looking at two angles. First, the ASG did that in order to distract (the ongoing military operation in Sulu) and if not, there are other kidnappers who want to earn money,” sabi ni Tan.

Bukod sa pagdukot sa Sabah, sinabi kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na bineperipika rin nila ang mga ulat ng pagdukot umano sa isang babaeng negosyante sa Lanao del Sur, kahapon ng umaga. (Francis T. Wakefield)