BATAC CITY, Ilocos Norte – Naglunsad ang mga Marcos loyalist ng one-million signature campaign upang maihimlay si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani, sa selebrasyon ng ika-99 na anibersaryo ng kapanganakan nito noong Linggo.

Sa kabuuan ng bansa ilulunsad ang signature campaign, at ang petisyon sa Batac City ay pangungunahan ng Friends of Imelda Romualdez Marcos (FIRM) at Guardians Reform Advocacy and Cooperation towards Economic Prosperity, Inc. (Grace Guardians Inc.).

Mayroon na ring kaparehong online petition sa change.org na iginigiit ang paglilibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.

Dakong 7:00 ng gabi nitong Linggo ay nakakalap na ang grupo ng mga loyalist ni Marcos ng 15,730 lagda.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Libu-libo ang dumalo sa selebrasyon na tinampukan ng motorcade mula sa Laoag City hanggang sa bayan ng Sarrat, kung saan isinilang si Marcos. Sinundan ito ng pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng dating presidente sa harap ng lumang munisipyo sa Sarrat, at isang misa sa Sta. Monica Church.

Nagkaroon din ng dinengdeng at merienda cook off sa Imelda Cultural Center sa Batac, na sinundan ng isang thanksgiving vigil at pagtitirik ng kandila. Nagdaos din ng misa sa Immaculate Concepcion Church, boodle fight at Da Real Macoy concert.

“Kami ay kumukuha ng lakas, ng tibay at pagmamahal galing sa inyo, sa inyong mga loyalista, sa… buong Ilocandia, sambayanang Pilipinas na nananalig na si Apo Macoy ang siyang tumulong at nagpatibay sa atin,” bahagi ng talumpati ni Gov. Imee Marcos sa Imelda Cultural Center sa Batac City.

“Sana sa kabila nito (kontrobersya sa paghihimlay sa Libingan ng mga Bayani), mahanap na rin nila ang kapatawaran, sapagkat sa pagpapatawad sa aking ama, sana mapawi na rin ang galit nila at sila mismo ay mabigyan ng kapayapaan at katahimikan,” dagdag pa ng gobernadora.

Libu-libong Marcos loyalist din ang nagtipun-tipon sa iba pang bahagi ng bansa upang makisaya sa okasyon, kabilang na sa Urdaneta City, Pangasinan; Makati City, Quezon City, Pasay City; Laguna; Tacloban City, Leyte; Butuan City, Agusan del Norte; at sa Hong Kong. (Freddie G. Lazaro)