BAGAMA’T kinansela ni US President Barack Obama ang planong bilateral talks kay President Rodrigo Roa Duterte, nagawa pa rin daw niyang paalalahanan si Mano Digong na isagawa ang crime-drug war sa “tamang pamamaraan”.
Ipinamalas ni Obama ang tunay na karakter ng isang world leader nang hindi niya patulan si RRD sa pagtawag sa kanya bilang “son of a whore”. Marahil daw ay bukambibig na ng Presidente ng Pilipinas ang pagmumura kung kaya hindi niya ito sineryoso. Mananatili pa rin ang pagkakaibigan ng US at ng ‘Pinas at ng mga Pilipino. Pati nga si Pope Francis ay minura niya, tinawag na bakla ang US ambassador at kinagalitan si UN Secretary General Ban Ki-Moon.
Hinimok din ni Pres. Barack si President Rody na irespeto ang “rule of law” sapagkat kapag hindi tama ang pamamaraan sa paglulunsad ng pakikidigma sa krimen at illegal drugs, maraming inosenteng sibilyan ang mamamatay o masasaktan na magpapalubha sa sitwasyon.
Wala namang tutol ang US black president sa ginagawang pagkilos ng Duterte administration laban sa mga bawal na gamot. Ang mga bansa sa mundo ay nagsasagawa rin ng paglaban at pakikidigma sa illegal drugs na salot sa lipunan.
Gayunman, binigyang-diin ni Obama na sana ay maisagawa ito upang hindi magbunga ng collateral damage sa mga sibilyan, kabilang ang mga bata at matatanda, na hindi naman sangkot sa mga bawal na gamot.
Sa kanyang pagtatalumpati sa harap ng mga lider ng Association of Southeast Nations (Asean) sa Vientiane, Laos na kinaroroonan din ni Obama, ginulat niya ang mga ito nang banatan ang US tungkol sa military killings nang ito ay kolonya pa ng Estados Unidos mula noong 1898-1946. May 600,000 Moro umano ang napatay ng mga sundalong Kano. Heto ngayon si Obama na pinangangaralan siya sa human rights at extrajudicial killings.
Hindi binasa ni RRD ang kanyang prepared speech at sa halip ay nag-impromptu ito at ibinaling ang pagbatikos sa US.
Sa nakahanda niyang speech, ayon sa mga report, nakasaad ang problema ng ‘Pinas sa China sa West Philippine Sea.
Gayunman, hindi raw niya ito nabigyang-diin para marinig ni Chinese Prime Miniser Li Keqiang at kung ano ang itutugon sa pananakop sa Panatag Shoal. “The Philippine president showed a picture of the killings of American soldiers in the past, and the president said: ‘This is my ancestor they killed. Why now we are talking about human rights”, ayon sa isang Indonesian delegate na nakausap ng Agence France Press (AFP).
Samantala, nagkakamali ang mga naniniwalang inihalal ng mga Pinoy si Mano Digong dahil sa campaign promise na papayagang mailibing ang diktador sa Libingan ng mga Bayani. Ang nagustuhan ng mga botante sa kanya ay ang pangakong susugpuin ang illegal drugs sa loob ng anim na buwan, at kung siya’y mabibigo siya’y magbibitiw at isasalin ang panguluhan sa bise presidente.
Naniniwala rin ang mga tao sa pangako niyang Change Is Coming (Pagbabago), pagbali sa sungay ng kurapsiyon sa gobyerno, paglutas sa Metro Manila traffic, mabilis na transaksiyon at walang pila sa mga tanggapan ng gobyerno.
Hindi dahil sa pangakong pagpapalibing kay FM sa LNMB, na noong nasa poder ay sinupil ang kalayaan, walang demokrasya at walang freedom of speech. (Bert de Guzman)