Ni ADOR SALUTA
TATLONG members ng Hashtags na sumikat sa It’s Showtime ang naging panauhin ng King of Talk sa Tonight With Boy Abunda, sina McCoy de Leon, Paulo Angeles, at Ronnie Alonte. Sumentro ang usapan tungkol sa kanilang personal na buhay, kaya inusisa ni Kuya Boy kung sinu-sino ang nali-link sa kanila sa ngayon.
Si Ronnie, aminadong close kay Sue Ramirez, kaya tinanong siya ni Kuya Boy kung nanliligaw na ba siya sa dalaga.
“Hindi po, ano lang talaga kami, as in super close kami sa isa’t isa,” sagot ni Ronnie pero bitin sa kasagutan ni ang host kaya muli siyang tinanong, “How close is super close? Papunta na ba doon, may balak ka ba, nagpapahiwatig ka ba?”
“Minsan,” pag-amin ng bagets na agad naman nitong binawi. “Hindi, joke lang! Sa ten percent, mga lampas pa doon.”
Inamin naman si Paulo na close friends sila ng PBB Lucky 7 teen housemate na si Heaven Peralejo.
“Nanligaw po ako before,” sabi ni Paulo. “’Nirespeto ko ‘yung decision ng mom niya (na huwag muna siyang ligawan), of course 18 dapat. So, sabi ng mom niya, friends lang muna.”
So, after two years, dahil 16 pa lamang si Heaven ngayon, may ligawan bang magaganap?
“Depende sa plan ni God kung nandoon pa rin,” sagot ni Paulo. “Masaya naman ako para sa kanya (bilang PBB housemate), sinusuportahan ko pa rin naman po siya. Gaya po nu’ng eviction night, binisita ko. Kasama ko mom niya.”
Kaya ang naitanong ni Kuya Boy kay Paulo , “Kung wala ka naman talagang pagtingin at wala kang balak, bakit ka pa bibisita at kasama pa ang mommy?” na ikinatameme na lang ng bagets.
Samantala, nali-link naman kina Elisse Joson at Maris Racal si McCoy.
“Parehas ko silang mabuting kaibigan. Ako po, ayaw ko talagang makasakit ng damdamin. At saka ayaw kong makasakit ng fans. Bilang isang lalaki, ang ungentleman naman,” pagtutuwid ni McCoy sa dalawang babaeng idinadawit sa kanya.
Tinanong siya ni Kuya Boy kung okay pa rin ba sila ni Maris?
“Opo. Kasi, Tito Boy, nu’ng nag-PBB kami, grabe ‘yung samahan talaga namin ng housemates. Kasama na si Elisse doon, napalapit din ako sa kanya. Hanggang ngayon, after po ng PBB, may mga guestings po kami, taping nga po, kaya po siya siguro siya ‘yung naging pinaka-close ko ngayon,” pagtatapat ni McCoy.
“Pero wala kayong relasyon?” follow-up question ni Kuya Boy. “Let’s be very honest. Wala kayong romantic relationship together?”
“Hindi ko pa alam, Tito Boy,” sagot ni MacCoy.
“One to ten, McCoy,” sundot ni Kuya Boy. “Si Maris, ilan? Si Elisse, ilan?”
“Seven or eight, (si Maris) para suwerte. Si Elisse, siguro ten pataas!”sagot ng binata.
Ang huling katanungan ni Kuya Boy sa tatlong Hashtags members, kung sila ba’y virgin pa? Sabay-sabay na sumagot ang tatlong ng, “No!” Ibig sabihin, may naging karanasan na ang tatlong ito.