Sinuspinde ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang operasyon ng isang seafood exporter sa Cebu makaraang iugnay ang produkto nitong “halaan” sa hepatitis outbreak sa Hawaii noong nakaraang buwan.
Paliwanag ni BFAR-Region 7 Director Andres Bojos, nag-iimbestiga na sila sa business operations ng seafood exporter sa Lapu-Lapu, kabilang ang “contract tracing” sa mga produkto nito.
Aniya, nag-e-export ng frozen raw scallops ang kumpanya at kabilang ito sa inihahain ng isang sikat na sushi restaurant chain sa Hawaii.
Tiniyak din ni Bojos na iinspeksyunin ng BFAR ang scallop farm ng kumpanya sa Masbate, at mangangalap ng samples ng produkto upang matukoy kung doon nanggaling ang nasabing sakit bago naipadala ang mga ito sa kliyente.
Matatandaang naglabas ng pahayag ang Disease Outbreak and Control Division ng Department of Health ng State of Hawaii na nagsasabing dinapuan ng Hepa A ang 252 kostumer sa sushi restaurant matapos umanong kumain ng hilaw na halaan nitong Setyembre 7. (Rommel P. Tabbad)