Nagpulong ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Department of Education (DepEd) sa Metro Manila upang bumalangkas ng protocol kung papaano haharapin ang bomb threats sa mga pribado at pampublikong paaralan.

Ayon kay Chief Supt. Oscar Albayalde, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), bukod sa bomb threats, pinag-usapan din nila kung papaano wawakasan ang ilegal na droga na kumakalat sa mga paaralan.

“We all agreed that a protocol must be set up on how to report fast and easy any of the issues from school authorities to the police,” ayon kay Albayalde.

Kabilang sa mga humarap kay Albayalde sina DepEd Assistant Secretary for School Governance and Operations Jesus Lorenzo Mateo at DepEd NCR Regional Director Ponciano Andal Menguito.

Pag-akto ni VP Sara bilang 'legal counsel' ni Lopez, 'unconstitutional'-Rep.Chua

Ang pagbalangkas ng protocol ay base na rin sa obserbasyon ng pulisya na tuwing may bomb threat ay nagpapanik ang mga estudyante at kanilang mga magulang. Agad ding sinususpinde ng school authorities ang klase.

Samantala ang bomb threat na lumilitaw na panloloko lang, ay galing mismo sa mga estudyanteng ayaw pumasok sa paaralan, lalo na kung panahon ng exam.

Pinayuhan ni Albayalde ang mga magulang na sa halip na magpanik, tumulong ang mga ito sa pagkontrol at pag-verify sa mga impormasyon.

Kapag may bomb threat, mas mainam umanong itawag muna ito sa pulisya, bago ikalat ang impormasyon. - Aaron Recuenco