SA Islam calendar, dalawang mahalaga at makahulugang pagdiriwang na bahagi na ng kanilang tradisyon ang binibigyang-halaga at ipinagdiriwang sa magkahiwalay na buwan at araw sa loob ng isang taon.

Una ay ang Eid’l Fitr, isang masayang pagdiriwang matapos ang Ramadan na isang buwan ng pag-aayuno. May mga ritwal na ginagawa sa kanilang mga Mosque.

Ipinagdiriwang sa unang araw ng Shawwal ang ika-10 buwan sa kalendaryo ng Islam. Ang ikalawang pagdiriwang ay ang Eid’l Adha o ang Feast of Sacrifice.

Ang araw na ito ay idineklarang non-working holiday sa Pilipinas batay sa Republic Act 9849 na pinagtibay sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. 

Ngayong 2016, idineklara itong holiday ni Pangulong Rodrigo Duterte batay sa Proclamation No. 6 na kanyang nilagdaan noong Setyembre 2, 2016, bago siya nagtungo sa Laos upang dumalo sa ASEAN Summit. Ang Eid’ul Adha ay kabilang na sa mga regular holiday sa ating bansa.

Ang Eid’l Adha ay ipinagdiriwang ng 1.6 bilyong Muslim sa buong mundo, kasama na rito ang mga kapatid nating Muslim sa ating bansa. Ang Eid’l Adha ay ipinagdiriwang sa ika-10 araw ng Zhul Hijja, ang ika-12 buwan sa Islamic calendar.

Ang batayan sa pagdiriwang ng Eid’l Adha ay mula sa Sura 2, Ayad 196 ng Quran, ang Bibliya ng mga Muslim.

Ayon sa kasaysayan, ang Eid’l Adha ay paggunita sa kusang pag-aalay ni Abraham/Ibrahim sa kanyang anak na si Ismael.

Tanda ng kanyang katapatan at pagiging masunurin sa Diyos o kay Allah.

Nang masubok ang katapatan ni Ibrahim, namagitan si Allah. Iniutos kay Ibrahim na isang tupa na lamang ang ialay kapalit ng kanyang anak na si Ismael. Sinisimulan ang Eid’l Adha matapos ang Haj o paglalakbay ng mga Muslim sa Mecca, Saudi Arabia.

Bahagi ng Eid’l Adha ang Wajib o morning prayer at ang Khutbah o homily. Sinusundan ito ng pagpunta sa Mosque upang isagawa ang mga kaukulang ritwal kaugnay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha.

Bahagi rin ng pagdiriwang ang pagkatay at pagluluto ng baka, kambing, tupa o kamelyo. Ipinagkakaloob sa mga mahihirap bilang aginaldo o regalo. Ang iba naman ay hinahati sa tatlo ang nilutong pagkain. Ang una ay para sa pamilya, ang pangalawa ay sa mga kamag-anak, kaibigan at mga kapitbahay. Ang mga nalabi ay ibinibigay sa mga mahirap at nangangailangan.

Ang Eid’l Adha ay winawakasan sa pamamagitan ng Magrid o sunset prayer. Ganito ang bahagi ng Magrid ng mga kapatid nating Muslim: Allahu Akbar, Allahu Akbar, Allahu Akbar, La Illahu, Illa lah, wallahu Akbar, Wa Lillahid Hamdi.

Sa Tagalog: Dakila si Allah, Dakila si Allah, Dakila si Allah, Wala nang katulad ang pagsamba maliban kay Allah.

Pinakadakila si Allah at sa Kanya, karapat-dapat ang mga papuri. (Clemen Bautista)