Ni ROMMEL P. TABBAD

Isa pang bagyo ang binabantayan ngayon ng weather bureau ng pamahalaan na posibleng pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) sa mga susunod na araw.

Ang naturang bagyo, may international name na “Meranti”, ay huling natukoy sa layong 1,460 kilometro sa Silangan-Hilagang Silangan ng Legaspi City, Albay.

Taglay nito ang hanging 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugsong 100 kilometro bawat oras habang kumikilos pa-Kanluran-Hilagang Kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), papangalanan itong bagyong “Ferdie” kapag pumasok sa PAR.

Dalawa pang low pressure area (LPA) ang patuloy na mino-monitor ng PAGASA.

Namataan ang unang LPA sa layong 440 kilometro sa Hilaga-Hilagang Kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.

Natukoy naman ang sentro ng isa pang sama ng panahon sa layong 540 kilometro sa Silangan-Timog Silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur.