NAKISAWSAW na ang rebeldeng grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa giyera ng pamahalaan laban sa ilegal na droga nang sumama sila sa mga pulis para hulihin ang tatlumpung miyembro nila na umano’y mga tulak at gumagamit ng ilegal na droga sa Maguindanao.

Ayon sa liderato ng MILF, umasa ang pamahalaan na sa pakikipagtulungan nila sa Philippine National Police (PNP) ay siguradong madaragdagan pa ang mga pag-arestong tulad nito sa mga miyembro nilang gumon din sa bisyong ito na labag o “HARAM” sa alituntunin ng Islam—na “sumisira sa buhay at hinaharap ng Bangsamoro.”

Patuloy naman ang pagtaas ng mga tinatakpan ng diyaryo sa mga bangketa at kalsada, ng mga sumusuko at naarestong sangkot sa ilegal na droga sa walang-humpay na kampanya ng pamahalaan laban dito na ngayon ay nasa ika-72 araw na.

Sa pinakahuling scorecard na inilabas ng PNP – Public Information Office (PIO) nito lamang weekend, umabot na sa 1,466 ang mga napatay sa lehitimong operasyon ng mga pulis; 1,490 naman ang kasalukuyang iniimbestigahan ng mga biktima ng sinasabing extrajudicial killings (EJK); at umabot na sa 16,025 ang mga naaresto sa isinagawang 17, 389 na operasyong bahagi ng “Oplan Double Barrel” ng PNP.

Ang Oplan Tokhang naman, o ‘yung pagkatok ng mga operatiba sa mga bahay ng mga hinihinalang nagtutulak at gumagamit ng ilegal na droga, ay nakapagtala ng 900,814 na pagbisita sa mga bahay-bahay, at nakapagproseso ng 709,527 nagsisuko at mula rito ay naitala naman na 659, 959 ang mga gumagamit ng ilegal na droga.

Ayon sa mga nakausap kong opisyal ng PNP, karamihan daw sa mga sumukong ito ay galing sa grupo ng mga informal settler na patunay lamang na ang masamang bisyong ito na sinasabing pang “maykaya sa buhay” ay mas laganap na sa ngayon sa lugar ng mahihirap.

Sa aking pag-iikot sa mga presinto dito sa Metro Manila ay napansin ko ang mga bata – edad 10 hanggang 15—na sumuko at umaming user at runner sila ng ilegal na droga.

Sa sobrang dami ng mga sumusukong drug dependent, sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na magdadagdag ang pamahalaan ng mga bagong rehabilitation center na kasalukuyang itinatayo sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.

Ang pamamalakad sa mga center ay boluntaryong gagawin ng grupo ng mga banyagang doktor na may dugong Pilipino.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)