NAGING katanggap-tanggap ang serye ng mga ulat tungkol sa mga proyektong pangtransportasyon sa bansa.
Inihayag ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong nakaraang linggo na naaayon sa schedule ang konstruksiyon ng Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX). Taong 2013 nang binuksan ang bahagi ng Tarlac patungong Gerona; noong 2014 naman binuksan ang mula sa Gerona patungong Rosales sa Pangasinan; taong 2015 nang magamit ang kalsada sa Rosales patungong Urdaneta; at ang ikaapat na bahagi mula sa Urdaneta hanggang Binalonan ay kabubukas lamang. Ang huling bahagi mula sa Binalonan patungong Rosario, La Union, ay inaasahang makukumpleto sa loob ng ilang buwan, o sa ikalawang quarter ng 2017.
Kasabay nito, inihayag ng Japan na gagastusan nito ang $2.4-billion halaga ng 38-kilometrong elevated rail line na mag-uugnay sa Maynila sa Bulacan.
Nariyan din ang Mindanao Railway project na ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA) ay sisimulan na ang konstruksiyon sa susunod na taon. Pawang nag-alok ng pondo ang Japan, China, at South Korea para sa 2,000-kilometrong proyekto na mag-uugnay sa mga pangunahing siyudad sa Mindanao, kabilang ang Cagayan de Oro, Butuan, Surigao, Iligan, Davao, General Santos, at Zamboanga.
Nakatutuwang malaman na nagkakaroon ng progreso sa iba’t ibang panig ng bansa—mula sa Luzon hanggang sa Mindanao. Partikular na nakatutuwang makita na isang malaking proyekto ng tren ang malapit nang simulan sa Mindanao, na dating hindi napagtutuunan ng atensiyon ng gobyerno ngunit isa ngayon sa mga tinututukan ng administrasyong Duterte.
Hindi maiiwasan na ang bumubuting lagay ng mga kalsada at riles sa iba’t ibang panig ng bansa ay magpapaalala sa mga taga-Metro Manila tungkol sa sarili nilang problema sa transportasyon na wala pang solusyon hanggang ngayon. Nananatili pa rin ang pagsisikip ng trapiko, na labis na nakapeperhuwisyo sa mga negosyo, eskuwelahan, tanggapan ng gobyerno at kabahayan, dahil nasasayang sa pagbababad sa trapiko ang oras na nailaan sana sa mga bagay na kapaki-pakinabang.
Sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na hiniling ng administrasyon sa Kongreso na magkaloob ng special powers upang resolbahin ang problema, ngunit sa kasalukuyan, nais niyang magpatupad ng mga hakbangin na magbibigay ng ginhawa kahit pa walang special powers, gaya ng mas istriktong pagpapatupad ng batas-trapiko at mga patakaran sa prangkisa, at pagkontrol sa mga nakagawian sa mga lokalidad, gaya ng paglalako ng produkto sa mga bangketa at pagparada sa mga abalang lansangan.
Ngunit ang “enforcement” ay isa lamang sa tatlong “e” na mahalaga sa pangangasiwa sa trapiko, ang dalawa ay ang “education” at “engineering”. Ang engineering ang marahil ay pinakamahalagang solusyon—ang pagpapagawa ng mas maraming daanan at kalsada, mas maraming railway system, mas maraming tulay at overpass, mas maraming pabrika at lugar panirahan sa mga karatig na lalawigan. Ito ang ginagawa natin sa Northern Luzon, sa Central Luzon, sa Mindanao. Kailangan na nating simulan ang pagtatayo ng mas maraming proyekto, bukod pa sa mga nasimulan nang gawin, upang makaagapay sa lumalaking pangangailangan ng patuloy na dumaraming naninirahan sa Metro Manila.