Ni LITO MAÑAGO

Joy Viado
Joy Viado
HABANG ipinagbubunyi ng sambayanang Pilipinas ang pagkakahirang sa Ang Babaeng Humayo nina Charo Santos-Concio at John Lloyd Cruz bilang best film sa katatapos na 73rd Venice Film Festival; 

Pagkakapili kay Allen Dizon bilang best actor sa 13th Salento International Film Festival para sa pelikulang Iadya Mo Kami ng BG Productions International;

Pagpapakasal ni Isabelle Daza sa kanyang long-time boyfriend na si Adrien Semblat sa Italy; 

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

At pagkakaluklok sa Pamilya Ordinaryo bilang BNL People’s Choice Award sa Venice Days, ipinagluluksa naman ng buong industriya ang pagkamatay ng komedyanteng si Joy Viado. 

Binawian ng kanyang hiram na buhay si Joy sa Quezon City General Hospital (QCGH) nitong September 10 sa edad na 51, pagkaraang itakbo siya sa hospital dahil sa paninikip ng dibdib. Ang komedyana ay idineklarang dead on arrival, 8:55 PM, sanhi ng heart attack. 

Sa interview sa DZMM sa anak ni Joy na si Joseph Christopher, napag-alaman na galing ang komedyana sa bahay ng isang kaibigan. 

“Galing siya sa bahay ng isang kaibigan niya at pag-uwi niya ay medyo nahihirapan na siyang huminga. ‘Tapos nu’ng ‘tinakbo namin siya sa hospital, sa kotse pa lang, eh, talagang nahihirapan na siya,” kuwento ni Joseph.

Pagdating sa QCGH, sinubukan pang i-revive ang comedienne pero huli na ang lahat.

Matatandaan na noong nakaraang taon ay naging viral sa social media nang umapela ng tulong si Joy via a phone video sa kanyang mga kaibigan at kasamahan sa industriya para maisalba sa amputation ang kanyang paa dahil sa komplikasyon sa diabetes.

Sa Arlington Memorial Chapel pansamantalang ilalagak ang mga labi ni Joy habang isinasaayos pa ang kanyang huling himlayan. 

Huling napanood si Joy sa isang episode ng Dear Uge ng GMA Network. Kabilang sa kanyang TV shows ang Luv U, Got To Believe, Wako Wako, Wansapanataym sa ABS-CBN; Regal Shocker, Sa Ngalan ng Ina, Bagets: Just Got Lucky sa TV5; Camera Cafe, Daisy Siete sa Kapuso channel. 

Ang kanyang mga pelikula ay You’re Still The One, Shake, Rattle & Roll XV, Girl, Boy, Bakla, Tomboy, Four Sister and a Wedding at maraming iba pa. 

Nagsimula ang showbiz career ni Joy sa noontime variety program na Lunch Date ng IBC 13 bilang host at komedyante. 

Sa mga naulila ni Joy, nakikiramay ang buong pamunuan ng Balita .