SA pakikipagpulong ni Pangulong Digong sa grupo ng mga Pilipno sa Shangri-La, Jakarta, Indonesia, kung saan siya ay nagtungo pagkatapos ng Asean meeting sa Laos, sinabi raw niya kay US President Barack Obama na hindi niya ito sinabihan ng “putang ina” nang magtagpo sila sa gala dinner. Bago kasi umalis si Pangulong Digong patungong Laos, sa kanyang news conference, bilang kasagutan sa tanong ng isang reporter, nasabi niya ang ganito:

“Ako ay Pangulo ng malayang bansa at matagal nang hindi tayo sakop. Wala akong amo kundi ang mamamayang Pilipino, walang iba. Maging magalang ka. Hindi ka basta nagtatanong. Putang ina, isinusumpa ko sa iyo sa nasabing forum”.

Maaaring tama ang Pangulo na hindi niya minura si Pangulong Obama. Ang problema, iba ang pagkakaintindi ng mga nakabasa at nadatnan ng balita sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ganito ang pagkakaintindi ng nagbalita kay Pangulong Obama kaya pinakansela nito ang napipintong pakikipag-usap niya kay Pangulong Digong.

Sinabi ni Pangulong Obama nang magsalita na siya sa pulong na hindi niya pinepersonal ang sinabi ni Pangulong Digong.

Pero, ayon kay Pangulong Digong, nang magkita sila ni Pangulong Obama sa holding room sa gala dinner, nagpakilala siya at sinabi niya rito na hindi totoo iyong naiulat ukol sa nasambit niya. Ang sagot daw ni Pangulong Obama sa kanya ay ang mga bata ko ang makikipag-usap sa iyo. Kaya kahit paano, ininda ni Pangulong Obama iyong naibalita sa kanya. Bakit nga ba hindi eh, kinakatawan niya ang pinakamalakas at pinakamakapangyarihang bansa sa buong daigdig.

Kahit hindi pinersonal ni Obama ang inasal ni Pangulong Digong, hindi naging katanggap-tanggap ito sa mga kababayan ni Obama na nasa Amerika. Ang kandidato ng Republican Party sa pagkapangulo ng Amerika sa halalan sa Nobyembre ay si Donald Trump. Ang katunggali niya ay ang kandidato ng Democratic Party na si Hilary Clinton na kakampi ni Obama.

Ginawang isyu ni Trump ang ginawa ni Pangulong Digong. Nagpapakilala lang daw ito kung anong uri ang liderato ni Obama.

Mahina, aniya, at hindi iginagalang ang Amerika ng ibang bansa. Kung dati ay hinahabol ni Trump si Clinton na napakalaki ang lamang sa kanya sa survey, umungos na siya ng 2.3% kay Clinton. Nakatulong kay Trump ang ginawa ni Pangulong Digong.

Kung palalampasin ito ng mga Kano, mabigat na problema ito sa kanila lalo na naging Rock Star ang Pangulo nang dumating siya sa Laos. Paano kung gayahin na siya ng mga lider ng mga ibang bansa? (Ric Valmonte)