Ang Eid’l Adha, ang Kapistahan ng Pagsasakripisyo ng Islam, ay isa sa mga dakilang okasyon na ipinagdiriwang ng mga Muslim sa mundo tuwing ikasampung araw ng Dhu-al-Hijah, na nagsisimula sa pagtatapos ng Hajj o pilgrimage sa Mecca, ang lugar ng kapanganakan ni Propeta Muhammad. Ang isa pa ay ang Eid’l Fitr o Pista ng Ramadan, na ipinagdiwang bilang regular holiday noong Hulyo 6 ng taong ito. Isa ring regular holiday ang Eid’l Adha simula noong Disyembre 11, 2009, alinsunod sa Republic Act 9849.
Ang Eid’l Adha, na nataon sa Setyembre 11 ngayong taon, 70 araw makalipas ang Eid’l Fitr, ay nagbibigay-pugay kay Patriarch Abraham (Ibrahim sa mga Muslim) na walang alinlangang nag-alok ng kanyang anak na si Ishmael bilang alay bilang patunay ng pagtalima sa Diyos o kay Allah. Ayon sa Libro ng Genesis at ng Qur’an, nang handa na si Abraham na isakripisyo ang anak niyang lalaki ay sinabi ni Allah na kumuha ito ng isang tupa bilang kapalit ng buhay ni Ishmael.
Buong kasiyahang nagdiriwang ang mga Muslim sa mundo sa pamamagitan ng pananalangin at pagsasama-sama ng pamilya. Isa itong araw ng paggunita, pagbabahagi, pagkukuwento, pagsasalu-salo at pagpapakasaya, habang ipinakakalat ang mensahe ng kapayapaan at kapatiran. Gaya tuwing Eid’l Fitr, ang Eid’l Adha ay sinisimulan sa pagdarasal ng dalawang Raka’ah ng Wajib, na susundan ng isang Khua bah (sermon).
Suot ang pinakamagaganda nilang damit, binibisita ng mga Muslim ang kanilang mga kamag-anak at sama-samang nananalangin sa malalaking bukas na lugar, gaya ng mga parke, o sa loob ng mga mosque. Tumatanggap ang mga bata ng mga regalo at laruan mula sa matatanda. Ibinabahagi rin ang mga pagkain at kakanin sa pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan, at kasama rin ang mga kapus-palad bilang simbolo ng pagsasakripisyo ni Abraham, pagiging masunurin kay Allah, at bilang gawaing Zapat o pagtulong, isa sa limang pangunahing katuruang Islam, kasama ang Shahadah o pananampalataya, Salah o pagdarasal, Sawm o pag-aayuno, at Hajj o pagtungo sa Mecca. Kinakatawan ng limang haligi na ito ang pananampalataya, paniniwala at kaugaliang Muslim.
Dumadalo ang mga miyembro ng Filipino-Muslim community sa mga tradisyunal na pananalangin sa mosque. Pinagdarausan ng selebrasyon sa Pilipinas ang Blue Mosque sa Taguig City, ang Golden Mosque and Cultural Center sa Quiapo, Maynila, at ang napakagandang Grand Mosque sa Cotabato City.
Kilala rin ang Eid’l Adha sa iba pang katawagan—Hari Raya Haji sa Singapore at Malaysia, Tabaski sa West Africa, Hari Raya Aidiladha sa iba pang bansa sa Southeast Asia, Id al-adha sa mga Indian, at Eid-ul Azha sa Bangladesh. Sa mga hindi Muslim, ito ang English Feast of the Sacrifice, German Opferfest, Dutch Offerfeest, Romanian Sarbatoarea Sacrificiului, Hungarian Aldozati unnep, at Spanish Fiesta del Cordero. Anuman ang tawag dito, ang Eid’l Adha ay isang kapistahan na nagsusulong ng pagkakaisa at pagkakabuklod-buklod sa pagitan ng mga Muslim at ng iba pang grupo ng relihiyon sa layuning isulong ang kapayapaan.
Sa ating mga Muslim na kapatid: “Eid Mubarak!” o pinagpalang pagdiriwang! Assalamu Alaikum! Sumainyo ang kapayapaan sa ngalan ng Diyos!