Ni Nick Giongco

ITINAAS ni Johnriel Casimero ang mga kamay sa pagbubunyi, habang buhat nang kanyang trainer,  matapos mapabagsak ang karibal na si Charlie Edwards ng Great Britain at mapanatili ang IBF Flyweight title nitong Sabado (Linggo sa Manila) sa O2 Arena sa London. (AP)
ITINAAS ni Johnriel Casimero ang mga kamay sa pagbubunyi, habang buhat nang kanyang trainer, matapos mapabagsak ang karibal na si Charlie Edwards ng Great Britain at mapanatili ang IBF Flyweight title nitong Sabado (Linggo sa Manila) sa O2 Arena sa London. (AP)
Hinayaan ni Pinoy fighter Johnriel Casimero na mga kamao ang magpahayag nang katatagan at karanasan nang patigilin ang British challenger na si Charlie Edwards sa ika-10 round at mapanatili ang hawak sa International Boxing Federation (IBF) flyweight title nitong Sabado (Linggo sa Manila) sa O2 Arena sa London.

Sa kanyang unang pagdepensa sa titulo at sa hindi pamilyar na teritoryo, nagpakatatag si Casimero sa kabuuan ng laban bago nakasingit ng pagkakataon at tamaan ng kaliwang upper-cut ang 23-anyos na karibal para mapangalog ang mga tuhod ng Briton.

Kaagad na itinigil ni referee Steve Gray ang laban may isang minuto at 57 segundo ang nalalabi sa 10th round.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Nakapagpamalas nang kahusayan si Edwards sa ilang tagpo sa kalagitnaan ng kanilang 12-round fight, subalit mas nanaig ang karanasan at husay ng Pinoy champion.

Bunsod ng tagumpay, napatatag ni Casimero ang karta sa 23-3, tampok ang 15 KOs, habang nalaglag si Edwards sa 8-1, kabilang ang tatlong KOs.

Nagdesisyon si Casimero na mangibang bansa para makapagdepensa ng kanyang titulo matapos mabigong makakuha nang sapat na suporta mula sa pribadong kumpanya.

Hindi naman estranghero si Casimero sa abroad dahil matagal na rin siyang lumalaban sa Mexico, South Africa, Thailand, China, Panama, Nicaragua at Argentina.

Sa Argentina tunay na nasubok ang katatagan ni Casimero nang sugurin ng crowd ang kampo ng Pinoy nang magulpi niya ng todo ang hometown hero na si Luis Lazarte may ilang taon na ang nakalilipas.

Nataya maging ang kanilang kaligtasan nang ilang tagahanga sa crowd ang nambato sa kanila ng silya at nagtangkang magpaputok ng baril sa kasagsagan ng gulo.

Nakamit ni Casimero ang titulo nang pabagsakin si Amnat Ruenroeng ng Thailand sa Beijing noong Mayo at naging makasaysayan ang kanyang pagdepensa dahil bahagi ang laban sa fight card na tinampukan ng duwelo sa pagitan ng dalawang pamoso at walang talong fighters na sina Gennady Golovkin ng Kazakhstan at Kelly Brooks ng Great Britain.

Sa kasalukuyan, si Casimero ay isa sa apat na reigning Filipino world champions tulad nina super-bantam Nonito Donaire, bantam Marlon Tapales at baong super-fly king Jerwin Ancajas.

Samantala, nakatakdang bumalik sa Manila ang Team Casimero, sa pangunguna ni promoter-manager Sammy Gello-ani, sa Martes sakay ng Philippine Airlines mula sa Heathrow.