TEHRAN, Iran – May angas ang batang koponan ng Gilas Pilipinas 5.0, ngunit lutang ang kakulangan sa karanasan sa international play sapat para makamit ang ikalawang sunod na kabiguan nang masalanta ng Chinese-Taipei, 76-87, Linggo ng gabi sa FIBA Asia Challenge Cup dito.
Sinandigan ang Taiwanese ng naturalized player na si Quincy Davis para maisalba ang matikas na pakikihamok ng Pinoy at makamit ang ikalawang sunod na panalo sa preliminary ng Group B.
Hataw ang 6-foot-8 American sa natipang 19 puntos at 16 rebound. Nadomina rin nila ang India sa opening game, 99-66, bago nakabawi ang Indians nang biguin ang Gilas.
Pinangunahan ni Davis ang 25-10 scoring run ng Taiwanese para hilahin ang iskor sa 87-72 mula sa huling pagtabla na 62-all sa third quarter.
Tangan ang 0-2 karta, sasabak ang Pinoy sa susunod na round kontra sa premyadong China, Kazakhstan at Jordan.
Kakailanganin ng Gilas na manalo ng dalawa para makausad sa quarterfinals.
Nabuo lamang may isang buwan na ang nakalilipas bunsod nang hindi akmang sitwasyon para sa pro player ng PBA, nagpamalas ng katatagan ang Gilas sa unang tatlong period. Ngunit, ang kakulangan sa karanasan ang kahinaan na hindi maitago ng koponan sa krusyal na sandali.
Nanguna sa Gilas si Mac Belo, pambato ng FEU sa UAAP, sa naiskor na 17 puntos at pitong rebound, habang tumipa sina Mike Tolomia at Kevin Ferrer ng tig-11 puntos.