NANALO ng Golden Lion (top prize) ang lone Philippine entry sa main competition section ng 73rd Venice Film Festival ang Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left) na pinagbibidahan ng dating ABS-CBN president na si Charo Santos-Concio at John Lloyd Cruz, at mula sa direksiyon ni Lav Diaz.

Itinuturing na comeback film ni Charo Ang Babaeng Humayo after almost 17 years na hindi siya gumawa ng pelikula. Shot in black and white, ang halos apat na oras na pelikula ay kuwento ni Horacia (Charo) na 30 taong nakulong sa isang krimeng hindi siya ang may gawa, at nagbalak ng paghihiganti sa kanyang ex-boyfriend na nag-frame-up sa kanya pagkaraang lumaya siya.

Personal na tinanggap ni Lav ang tropeo ng karangalan at sa kanyang acceptance speech sinabi ng direktor na hindi pa rin siya makapaniwala.

“My head is spinning right now, this is unbelievable,” at sinundan niya ng pasasalamat kina Charo at John Lloyd na mga artista niya sa pelikula.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Patuloy ni Direk Lav, “It’s looks beautiful. This is for my country, for the Filipino people, for our struggle, and for the struggle of humanity, thank you, thank you, thank you so much.”

Noong nakaraang Pebrero, ang 8-hour film ni Lav na Hele Sa Hiwagang Hapis (A Lullaby for the Sorrowful Mystery), starring Piolo Pascual and John Lloyd Cruz, ay nag-premiere naman sa 2016 Berlin International Film Festival.

Sa interview kay Direk Lav ng foreign press pagkatapos manalo ng pelikula ng coveted best film, sinabi niyang umaasa siyang mas mabibigyan ng halaga ng moviegoing public ang mahahabang pelikula.

“Cinema is still very young, you can still push it,” ani Direk Lav.

Bagamat walang nakuhang acting trophies para kina Charo at Lloydie at hindi nasungkit ni Lav ang karangalan bilang best director, ang pagkakahirang ng pelikula bilang best film ay isang pagpapatunay na nangingibabaw pa rin ang kahusayan at talino ng Pinoy saan mang panig ng mundo. Truly, it’s #PinoyPride! (LITO MAÑAGO)