DAVAO CITY – Tatlong katao ang dinakip at nakulong dahil sa “bomb joke” mahigit isang linggo makaraang pasabugan ang night market sa Roxas Avenue na ikinamatay ng 14 na katao at ikinasugat ng 71 iba pa nitong Setyembre 2.

Sinabi ni Davao City Police Office (DCPO) Spokesperson Senior Insp. Catherine Dela Rey na nakapiit sa Sta. Ana Police Station sina Trichel Mejares at Montessa Doblas; habang sa himpilan ng Calinan Police naman nakakulong si Christian Onggona.

Aniya, una nang umapela ang pulisya sa publiko “to stop making prank calls, bomb joke, and avoid spreading rumors regarding bomb threats which can create panic or chaos that may result to injuries and/or damage to properties,” kung ayaw nilang maaresto sa paglabag sa Presidential Decree (PD) 1727 (Anti-Bomb Joke law).

Alinsunod sa nabanggit na batas, ang lalabag ay maaaring makulong ng hindi hihigit sa limang taon o pagmumultahin ng hindi hihigit sa P40,000, o pareho.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Nitong Setyembre 6, nasuspinde ang klase sa University of Southeastern Philippines (USEP) sa Barrio Obrero at sa extension campus nitong USEP Mintal dahil sa isang text message na nagsabing sasabog ang isang bomba sa lugar, habang natanggap din ng St. John Paul II College ang kaparehong banta nang sumunod na araw.

BOMB SCARE SA BATANGAS

Kaugnay nito, sunud-sunod din ang natanggap na bomb threat sa iba’t ibang lugar sa Batangas, na matapos ang mga eskuwelahan ay inuulan na rin ng pananakot ang mga planta at kumpanya sa mga industrial site sa Batangas.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), nakatanggap din ng bomb threat, sa pamamagitan ng text messages, ang 2x150 Mega Watt DMCI power plant at Steel Asia Manufacturing Corp. sa Calaca, gayundin ang Bandai Namco Philippines sa Lipa City.

Dakong 5:30 ng hapon nitong Biyernes nang makatanggap ng mensahe mula umano sa Abu Sayyaf ang isa sa mga empleyado ng DMCI sa Barangay San Rafael, katulad ng mensaheng natanggap ng kawani ng Steel Asia sa Bgy. Salong.

Pareho namang nagnegatibo sa bomba ang dalawang kumpanya matapos magresponde ang mga operatiba ng Explosive Ordnance Division (EOD) ng 730th Philippine Air Force na nakabase sa Nasugbu.

Negatibo rin ang bomb threat na natanggap dakong 7:10 ng gabi ng isang empeyado ng Bandai Namco, na nasa loob ng LIMA Industrial Park sa Bgy. San Lucas, Lipa.

Biyernes din ng makatanggap ng bomb threat ang Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa, Batangas State University at Cultural Center sa Lipa, na pawang nagnegatibo. (ANTONIO COLINA IV at LYKA MANALO)