Ni PAULO BAYLON

Tayong mga Pilipino ay likas na maalaga sa ating mga nakatatanda. Ngunit habang tumatanda ang isang tao, at malamang kapag umabot na sa edad na 60 pataas, kailangan na nila ng pagkalinga at pag-agapay na naaayon sa kanilang edad.

Habang tumatanda ang isang tao, mas dumadalas na silang ipa-check up sa ospital. At habang totoo naman na may mga pangkaraniwang sakit at panaka-nakang panghihina na kaya namang alagaan at gamutin sa bahay, hindi rin dapat kalimutan na habang tumatanda ang isang tao, kakailanganin na nito ng tulong ng mga doktor.

Marami nang nadidiskubre ang mga dalubhasa tungkol sa pagtanda ng katawan ng tao. At dahil dito, ang mga tao ay may kakayahan nang mabuhay nang mas matagal at mas malusog. Nakakatulong din na mas laganap na ang kaalaman sa tama at maling pag-aalaga sa katawan, gawa na rin ng Internet at mga impormasyon na galing sa mass media.

Kasal ng mag-asawang gumamit ng 'AI' sa wedding vows, pinawalang bisa ng korte!

Sa kabila nito, nasa pamilya pa rin, at sa mga lolo at lola mismo, kung ano ang pinakamainam na pag-aalaga sa mga nakatatanda.

ANO ANG ‘GERIATRICS’?

Ang pag-aalaga sa matatanda ay hindi madali. Bukod sa mga pisikal na kapansanan na maaaring lumabas o lumala gawa ng katandaan, may mga pagbabago sa ugali na hindi na minsan naiintindihan kahit ng pinakamalapit na miyembro ng pamilya. Sa kabila nito, at marahil na rin dahil sa likas na pagmamahal ng mga Pilipino sa kanilang mga nakatatanda, pipilitin pa rin natin na alagaan sila, hanggang magsawa at mapagod tayo.

Hindi lahat ng tao ay kayang mag-alaga ng matatanda, at naiiba ito sa pag-aalaga ng bata. Ang matatanda ay may mga natatangi at naiibang pangangailangan, lalo na pagdating sa kanilang pisikal at mental na kalusugan.

Ayon sa isang eksperto sa The Medical City, kaya naman pangalagaan ang matatanda sa kani-kanilang bahay, ngunit may hangganan din ito.

Sabi ni Dr. Evans M. Abat, ng Center of Healthy Aging at section head ng Geriatrics Section ng The Medical City, kapag patung-patong na ang sakit ng matatanda, kailangan na nito ng tulong ng espesyalista sa sakit ng matatanda, ang geriatrician.

Ayon kay Dr. Abat, kasama sa mga sintomas na ito ay ang memory loss, pagdalas ng pagkatumba o pagkadapa, sobrang pamamayat, hirap sa paglunok, at iba pa.

Ang mga sintomas na ito ay madalas lumalabas kasabay ng ibang mga sakit, kaya kailangang kaagad isangguni sa espesyalistang tulad ng mga geriatrician.

Ang isa pang sitwasyon na kinakailangang isangguni na sa geriatrician ay kapag lumalabas na ang mga tinatawag na atypical na sintomas, o mga sakit na kakaiba na sa pangkaraniwang sintomas. Halimbawa, kung ang sakit sa puso—na karaniwan ay lumalabas bilang paninikip sa dibdib—ay may kasamang pagsusuka o pag-ubo. Mahalagang ikonsulta na sa doktor ang mga ito upang maiwasan na lumala pa ang karamdaman.

Ang geriatrician ay makakatulong din sa pag-manage ng check-ups ng pasyente, dahil sa halip na maraming doktor ang isa-isang kakausapin para sa iba’t ibang sakit ng pasyente, kaya nitong i-consolidate ang plano ng pag-aalaga at paggamot, at irekomenda ang mga kakailanganing espesyalista na naaayon sa kalagayan ng matanda.

Ang karaniwang rekomendasyon ng mga geriatrician sa kanilang mga pasyente ay ang magpatingin nang madalas. Para sa ambulatory adults, o mga kaya pang maglakad at pumunta sa clinic mag-isa, magpatingin nang hindi bababa sa isang beses kada tatlong buwan. Para naman sa patung-patong na ang karamdaman, magpatingin ng hindi bababa sa isang beses kada buwan.

PAANO KUNG ‘DI MO NA KAYA?

Nang tanungin si Dr. Abat kung kailan dapat magpasya ang pamilya na ipasok sa home for the aged ang kanilang matatanda, sinabi ng eksperto na ang pinakamahalagang aspeto ng desisyon ay kung hindi na kayang alagaan nang maayos ang matanda sa bahay. “Failure of care” ang tawag dito, at ayon kay Dr. Abat, may hangganan naman talaga ang kakayahan ng mga pamilya pagdating sa pag-aalaga sa mga nakakatanda.

Sinabi rin ni Dr. Abat na kapag napapabayaan na rin ng tagapag-alaga ang sariling kapakanan, malaki ang posibilidad na hindi na niya maibibigay ang kinakailangang pangangalaga sa matanda. “Kahit mahirap, may mga panahon talaga na kailangang tanggapin na hindi na kayang pangalagaan nang maayos ng mga kapamilya ang matanda sa bahay,” sabi ni Dr. Abat.

Ito ay isang mahirap na desisyon at kailangang isiping mabuti. Ngunit hindi naman nangangahulugan na kapag itinira ang matanda sa home for the aged ay kakalimutan na ito at ipauubaya na lamang sa ibang tao ang pag-aalaga sa kanila. Sa huli ay mahalagang masubaybayan ang kanilang kalusugan at kalagayan