Naaresto ang bise alkalde ng Talitay sa Maguindanao, na iniuugnay sa pambobomba sa Davao City night market nitong Setyembre 2, makaraang mahulihan ng mga baril at ilegal na droga sa follow-up operation kahapon.
Una nang binanggit sa “narco-list” ni Pangulong Duterte, napaulat na naaresto ng Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) ng pulisya si Talitay Vice Mayor Wahab Sabal malapit sa isang airport sa Maguindanao.
“We received information of his links in the Davao bombing, but this is just information. It is yet to be validated,” sinabi sa Balita ng isang mataas na opisyal ng pulisya.
Matatandaang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na tinitingnan din nila ang anggulo ng narco-terrorism sa pagsabog sa Davao City, na ikinasawi ng 14 na katao at ikinasugat ng 71 iba pa.
Kasalukuyang nasa kostudiya si Sabal ng AIDG sa Camp Crame sa Quezon City. - Aaron Recuenco