Ni LITO MAÑAGO
WAGI ng BNL People’s Choice Award ang pelikulang Pamilya Ordinaryo, pinagbibidahan nina Ronwaldo Martin at Hasmine Killip mula sa direksiyon ni Eduardo Roy, Jr., sa katatapos lang na Venice Days sa Venice, Italy.
Ang People’s Choice Award ay ibinibigay ng BNL Gruppo BNP Paribas -- ang main sponsor ng Venice Days -- para sa pelikulang kasama sa official selection.
Ang Venice Days ang kauna-unahang international film festival na sinalihan ng Pamilya Ordinaryo pagkatapos itong parangalan bilang best film sa Cinemalaya 12 last August. Sa naturang indie filmfest din nanalong best director si Direk Edong at best actress naman para kay Harmine.
Mismong ang direktor ng pelikula ang tumanggap ng karangalan, kasama ang mga bidang sina Ronwaldo (kapatid ni Coco Martin) at Hasmine (who flew in from London with her husband, Anthony Killip), at producers Ferdinand Lapuz at Dr. Almond Derla.
Sa Venice, Italy na nagkikita-kita at nagkaroon ng instant reunion sina Ronwaldo, Hasmine, Direk Edong, Ferdy at Dr. Derla.
Dahil sa karangalan ng pelikula sa Venice Days, mas naging memorable ang kanilang reunion at muling pagsasama-sama at umaasang mauulit pa ito dahil magiging official entry rin ang Pamilya Ordinaryo sa iba pang international film festivals sa mga susunod na buwan.
First time ring napanood ni Hasmine ang pelikula sa Venice Days at memorable rin ito sa kanya dahil kasama niyang nanood ang kanyang British husband.
Sa pakikipag-chat namin kay Hasmine bago siya lumipad sa Venice, naitanong namin sa kanya kung paano niya ipinaliwanag sa kanyang mister ang ilang sex scenes sa pelikula.
Tugon ng newbie actress na tumalo kina Nora Aunor (Tuos”l) at Judy Ann Santos (Kusina) sa pagka-best actress (we’re printing it unedited), “Ahaha sinabi ko na sa kanya na may sex scene hahaha Inexplain ko hindi gaganda ang pelikula kapag wala yon! Eme hahahahahahahaha.
“Okay lang naman sa kanya kase peke lang naman yun,” lahad pa ni Hasmine.
At any rate, congratulations sa bumubuo ng team Pamilya Ordinaryo at ipinapaalala naming palabas pa rin ang pelikula sa ilang piling sinehan sa Metro Manila.