NAKAUGALIAN na tuwing sasapit ang ikalawang Linggo ng Setyembre ang pagdiriwang ng Grandparent’s Day.
Maraming bansa, kabilang ang iniibig nating Pilipinas, ang nagdiriwang upang bigyang-pugay ang mga lolo at lola.
Sa ibang bayan ay tinatawag sila na lelong at lelang, ingkong at impo. Sa mga elitista, ang tawag sa pinakamatandang miyembro ng pamilyang Pilipino ay grandma at grandpa. Dito sa ating bansa, inilalaan ang araw na ito upang ipahayag ang kanilang pagmamahal, paggalang at pasasalamat sa mga lolo at lola. Kasama sa pagpapahalaga ang kanilang mga apo. Bahagi ng pagpapahalaga at pasasalamat ay ipinagluluto ng masarap at paboritong pagkain at masayang nagsasalu-salo. Nagbibigay ng regalo ang kanilng mga apo tulad ng mga bulaklak, greeting card o bagong damit. Ang iba’y sa restaurant naman kumakain at nagsasalu-salo
Ang pagdiriwang ng Grandparent’s Day ay sinimulan ni Marian Mcquade, ng Fayette County, West Virginia, USA noong 1970. Naging inspirasyon niya ang anyo ng mga malulungkot na senior citizen sa nursing home.
Nais ni Mcquade na itanim sa isipan ng mga kabataan ang mabuting asal at manahin ang katangian ng kanilang mga lolo at lola. At matapos na itong ipagdiwang, noong Mayo 27, 1973 sa West Virginia, isang batas ang pinagtibay ni dating Pangulong Jimmy Carter (PUBLI C LAW 96-92 ) na ang Linggo matapos ang Labor Day sa America ay pagdiriwang naman ng National Granparent’s Day.
Hindi lamang ang pamilya ang nagbibi ay-halaga at pagpupugay sa mga lolo at lola. Ang Simbahang Katoliko ay hinihikayat ang mga apo na mag-alay ng isang special na panalangin sa dalawang patron saint ng mga lolo at lola na sina San Joaquin at Santa Ana—ang mga magulang ng Mahal na Birheng Maria at lolo at lola ni Jesus. Panalangin para sa patuloy na pagpapala, ng mabuting kalusugan at kaligtasan sa mga sakuna para sa lahat na senior member ng pamilya.
Sa ating bansa, ang mga lolo at lola ay inaalagaan, iginagalang at binibigyan ng kahalagahan sa lahat ng araw. Ang mga lolo at lola, lalo noong sila’y bata pa, ay maraming bagay ang naipamulat sa atin. Sila ang patuloy nating mga buklod o tagapag-ugnay sa nakalipas na mga pangyayari, mga paniniwala at mga karanasan na malaki ang epekto sa ating buhay at sa daigdig na nakapaligid sa atin. Sila rin ang tagapag-ugnay ng lipunan, ng mga tradisyon at national heritage. Ang suporta at pagmamahal na ibinibigay ng mga lolo at lola natin, lalong tumitibay ang pagmamahal na ipinagkakaloob ng ating mga magulang. Kapag nagretiro na ang mga lolo at lola, ang kanilang pagtira sa sino man sa kanilang mga anak ay kinagigiliwan.
Ang mga lolo at lola natin ang pinanggagalingan ng talino, payo, gabay, kalakasan, suporta at inspirasyon. Ang kanilang mga karanasan ay ang mga aral na kailangang matutuhan ng mga kabataan mula sa kalungkutan at kasiyahan. Ang mga lolo at lola ay hindi dapat maliitin at ituring na walang silbi kung sila’y nasa edad na ng kahinaan.