Nagpositibo sa ipinagbabawal na gamot ang isang national athlete mula sa sepak takraw matapos sumailalim sa isinagawang mandatory drug testing ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Miyembro ng Philippine Navy ang hindi pinangalanang atleta na nahaharap sa kasong administratibo at pagkasibak sa National Team.

Ayon kay Sgt. Angel Dayag, PSC Liaison Officer to Military Services, kaagad niyang inirekomenda sa AFP na isailalim sa administrative proceedings ang naturang atleta at kaagad na isusumite ang kopya ng report kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez.

“Standard Operating Procedure kasi natin sa mga bagong enlist at nabigyan ng kanilang serial # sa military na they will be subjected to medical test procedures kasama na ang drug testing. Based on the report, banned substance was traced or found in the samples,” pahayag ni Dayag.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Bilang pagkilala sa atletang Pinoy at suporta sa kanilang kabuhayan, pinapayagan ng PSC na pumasok sa anumang sangay ng AFP ang mga miyembro ng Philippine Team.

Si Rio Olympics weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz ay miyembro rin ng Navy.

Sinabi ni Dayag na kaagad na sinibak sa serbisyo ang pambansang atleta base sa ipinadalang report na pirmado ni Col. Joseph Ferius Cuison, PN Special Services Officer.

Samantala, pinabalik ng AFP sa kani-kanilang headquarters ang mga military personnel na miyembro ng Philippine Team hangga’t hindi pa nalalagdaan ang bagong detailed service ng mga ito.

Maykabuuang 87 atleta at 42 coach at trainor ang bahagi ng AFP logistic command.

Wala pang pormal na pahayag ang PSC hingil dito.

Bunsod nito, inaasahan na makakaapekto ito sa sa mga atleta na nasa military na kabilang sa delegasyon ng bansa na sasabak sa Asian Beach Games sa Da Nang, Vietnam sa Setyembre 24 hanggang Oktubre 4.

May kabuuang 72 atleta, sa pangunguna ni Rio de Janeiro Olympian Marestella Torres-Sunang, ang delegasyon sa Asian Beach Games. (Angie Oredo)