KAPANALIG, hindi na nasilayan ng kasalukuyang henerasyon ang angking ganda ng mga ilog ng ating bayan, lalo na ang mga ilog sa Metro Manila.
Napag-aaralan na lamang ng mga kabataan ngayon sa kanilang mga textbook ang tungkol sa kasaysayan ng ating mga ilog, gaya ng Ilog Pasig. Ito ay naging sentro ng kalakalan at komersyo noon. Ang ilog na ito ay backbone ng sinaunang Metro Manila, at dito, sa makasaysayang katawang tubig na ito, nagbinhi ang ating mega-city, na bunga ng halu-halong kultura ng mga sinaunang mamamayan na namuhay at nabuhay sa biyayang dala ng ilog.
Ang Marikina River naman ay tahimik ring testigo sa makulay na kasaysayan ng Metro Manila, partikular na sa Marikina, na dati’y kasama sa lalawigan ng Rizal. Ang Marikina ay dati’y napakalaking sakahan na kinakalinga ng ilog. Gaya ng Marikina, ang San Juan River ay napapalibutan din ng taniman, at sa paglipas ng panahon, binago ng urbanisasyon ang ilog at paligid nito.
Nakalulungkot isipin, kapanalig, na ang mga ilog na ito ay ngayo’y itinuturing na biologically dead. Noong 2004, ang mga ilog sa Pasig, San Juan, at Marikina, kasama ang Navotas-Malabon-Tenejeros-Tullahan (NMTT) River at Parañaque River ay tinaguriang biologically dead ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Bakit nga ba nangamatay ang mga ilog na ito?
Polusyon ang pangunahing rason. Sa dami ng polusyon sa ating katawang tubig, nawawalan na ng oxygen at pinatay na ang mga hayop at halamang namumuhay sa ilog.
Ang basura rin ng mga mamamayan na naninirahan malapit sa mga ilog na ito ay bumabara sa daluyan ngtubig. Ilang beses na ba nakakuha ng kutson, sirang electric fan, at mga sapatos tuwing nagsasagawa ng clean up operation? Ang mga kumpanya din na malapit sa ilog ay nagdadala ng polusyon sa ating mga katubigan.
May pag-asa pa naman. Maaari pang ma-revive o mabuhay ulit ang mga ito kung sama-sama nating pagtutulungan ang paglilinis nito. Kailangan natin ma-maximize ang kakayahan ng nasyonal at lokal na gobyerno upang mabigyang-buhay muli ang ating mga ilog. Ang kanilang kalusugan ay magiging senyales din ng panibangong buhay at pag-asa sa unti-unting nasisirang kapaligiran ng Metro Manila.
Maging gabay natin ang mga pahayag ni Pope Francis sa Laudato Si, na bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan: “There is a growing sensitivity to the environment and the need to protect nature, along with a growing concern, both genuine and distressing, for what is happening to our planet… Our goal is not to amass information or to satisfy curiosity, but rather to become painfully aware, to dare to turn what is happening to the world into our own personal suffering and thus to discover what each of us can do about it.”
Sumainyo ang katotohanan.