TEHRAN, India – Matikas na nakihamok ang bata at kulang pa sa karanasan sa international tournament na Gilas Pilipinas 5.0 bago bumigay sa India, 91-83, Sabado ng umaga sa Fiba Asia Challenge Cup.

Nasopresa ang mas matatangkad na Indian squad sa katatagan ng Gilas 5.0 – binubuo ng mga collegiate at amateur player – sa kabuuan ng laro, subalit kinapos ang Pinoy cager para matikman ang unang kabiguan sa Group B preliminary.

Sunod nilang makakaharap ang Chinese-Taipei Linggo ng umaga.

Nanguna sa India si Amjyot Singh sa naiskor na game-high 24 puntos, 18 rebound at dalawang assist, habang kumana sina Vishesh Bhriguvanshi at Amritpal Singh ng 20 at 16 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naghabol ang Gilas sa final period at nagawang maagaw ang bentahe sa 75-74 mula sa jumper ni Jaymar Perez may 4:47 ang nalalabi sa laro. Nagpalitan ng pagbuslo ang magkabilang panig bago muling nakaabante ang Indians sa 86-79.

Nanguna sa Gilas si Mac Belo, dating miyembro ng Far Eastern University, sa naiskor na 21 puntos at limang rebound.

Kumubra naman sina Ed Daquioag at Russel Escoto ng 15 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.

Umarya ang Indians sa 65-53 papasok sa final period, ngunit matikas na nakihamok ang Gilas sa huling limang minuto para maagaw nang panandalian ang bentahe.