Kapwa nabalahaw ang kampanya ng Philippine men’s at women’s chess team sa ikapitong round ng 42nd World Chess Olympiad nitong Biyernes (Sabado sa Manila) sa Baku, Azerbaijan.
Kinapos ang men’s team kontra Italy, 1.5-2.5, habang bumagsak ang women’s squad sa 1-3 kabiguan sa 8th seed Hungary.
Ginapi ni GM Eugene Torre ang karibal na si GM Axel Rombaldoni sa Board 3, habang nakihati ng puntos si GM Julio Catalino Sadorra kay GM Daniele Vocaturo sa Board 1.
Ngunit, kapwa nabigo sina GM John Paul Gomez at Rogelio Barcenilla, Jr. kontra kina GM Danyyil Dvirnyy at Sabino Brunello sa Board 2 at 4, ayon sa pagkakasunod.
Natalo si WIM Janelle Mae Frayna kay GM Hoang Thanh Trang, isang Vietnamese na nag-migrate sa Hungary, habang nasilat sina Christy Lamiel Bernales kontra WGM Ticia Gara sa Board 3 at Catherine Secopito kay IM Anita Gara Board 4.
Tanging si Jan Jodilyn Fronda ang nagwagi sa Pinay squad kontra IM Szidonia Lazarne Vajda sa Board 2.