NGAYONG ARAW, kasama ang Pilipinas sa maraming bansa sa mundo sa pagbibigay-pugay sa mga lolo at lola. Sa karamihan ng pamilyang Pilipino na karaniwan nang malapit sa isa’t isa, binibigyan ng paggalang ang matatanda. Inirerespeto ng mga nakababatang miyembro ang matatanda bilang pinagkukuhaan nila ng mga pangaral at payo, mula sa mahahalagang karanasan ng mga ito.
Mababakas ang kasaysayan ng Grandparents’ Day o Araw ng mga Lolo at Lola sa inisyatibo noong 1970 ni Marian Lucille Herndon McQuade, isang maybahay mula sa West Virginia, na may ideya sa paglalaan ng isang araw para himukin ang mga pamilya na bisitahin ang kani-kanilang nakatatandang kamag-anak. Inilunsad ang araw sa kanyang bayan noong 1973. Umabot ang kanyang adhikain kina Senators Jennings Randolph at Robert Byrd na gumawa ng resolusyon na nanawagan para gawing national holiday ang Grandparents’ Day. Noong 1979, iprinoklama ni President Jimmy Carter ang unang Linggo ng bawat taon pagkatapos ng Labor Day bilang National Grandparents Day. Pinili ang Setyembre bilang simbolo ng mga taon ng taglagas sa buhay. Kalaunan, kinilala na rin ng ibang bansa ang selebrasyon, at sa Pilipinas, idinadaos ang okasyon tuwing ikalawang Linggo ng Setyembre.
Sa Pilipinas, mahahalagang miyembro ng pamilya ang mga lolo at lola. Madalas silang bahagi ng pamilya o handang magbigay ng atensyon at pag-aalaga sa mga nakababatang miyembro ng pamilya, partikular sa kanilang apo, kapag kailangan ng mga magulang na mapalayo upang magtrabaho. Maraming pamilya ang isinasama ang matatanda sa mga mapagkakakitaang aktibidad para makatulong sa gastusin sa bahay ng pamilya.
Batid ang kanilang mahalagang papel sa istruktura ng mga pamilyang Pilipino, dapat na maglaan ng de-kalidad na panahon ang mga anak at apo para magbigay-pugay sa kanila at iparamdam ang pagiging espesyal nila, at pinapahalagahan—mga gawi ng pamilya na dapat na ginagawa ng mga pamilya sa buong taon. Hainan sila ng masasarap na pagkain, bigyan sila ng regalo, ilibre sa sinehan o musical show, dalhin sa mga lugar na nais nilang puntahan o sa mga lugar na hindi pa nila napupuntahan. Dapat silang yakapin ng mga apo at kalungin ang huli habang ikinukuwento ang kanilang kabataan.
Anuman ang paraan ng pagdiriwang ng Grandparents’ Day, tandaan na hindi kailangang pagkagastusan ang pinakamahalaga at hindi malilimutang alaala. Kailangan nila ng de-kalidad na oras, matiyagang pakikinig, tunay na pag-aalaga, at mas malawak na pang-unawa na dapat alagaan at igalang sila ng bawat miyembro ng pamilya, hindi lang ngayong araw, kundi sa buong taon.
Sa aming mga Lolo at Lola, binabati namin kayo ng Happy Grandparents’ Day!