SA pagpasok ng Setyembre ngayong taon at pagsisimula ng pagpapatugtog ng mga istasyon ng radyo ng mga awiting Pamasko, nagsindi ang mga Pilipino sa Singapore ng isang 14 na talampakan ang taas na parol sa Asian Civilization Museum. Ito ay alinsunod sa disenyo ng mga higanteng parol ng Pampanga, na may 1,200 bumbilya ang nagpapatay-sindi na mistulang umiindak. Magpapatuloy ang exhibit hanggang bukas, at muling bubuksan sa susunod na buwan kaugnay ng Pasko.
Ang proyektong ito ng mga Pilipino sa Singapore ay pinangunahan ng Kapampangan artisan na si Arvin Quiwa, habang magkakaloob naman ng pondo si City of San Fernando Mayor Edwin Santiago para sa pagpapagawa ng parol. Ang paligsahan sa paggawa ng mga higanteng parol ay matagal nang bahagi ng tradisyong Pamasko ng San Fernando, na ilang baryo ang nagpapahusayan para sa unang gantimpala na igagawad sa Bisperas ng Pasko sa liwasang bayan.
Mga parol ang pangunahing tampok ng tradisyunal na Pasko sa Pilipinas, ang pinakakaraniwang disenyo ay isang bituing may limang sulok at gawa sa manipis na de-kulay na papel at may nakalaylay na palamuti sa magkabilang dulo nito na sumisimbolo sa mga sinag na nagbigay-liwanag sa Bethlehem noong unang Pasko.
Noong unang panahon na wala pang supply ng kuryente, mga lampara ang nagbibigay ng liwanag sa daang tinatahak ng mga magtutungo sa simbahan bago magbukang-liwayway o matapos ang takipsilim. Sa matatao at mauunlad na lugar sa bansa sa kasalukuyan, ang mga lansangan at liwasan ay nadedekorasyunan at naiilawan ng mga parol na may magkakaibang sukat at hugis. Kumukuti-kutitap ang mga bituin sa mga Belen at maging sa tuktok ng mga higanteng Christmas tree sa mga liwasan. Maraming pamilyang Pinoy sa ibang bansa ang nagsasabit ng mga tradisyunal na parol na gawa sa papel sa harap ng kani-kanilang bahay, isang paggunita sa tradisyunal na Paskong Pinoy.
May Pilipino sa lahat ng panig ng mundo sa kasalukuyan—karamihan ay nasa sarili nating rehiyon, gaya sa Singapore, ngunit mayroon ding nasa pinakamalalayong dako ng Asia, Oceania, Europe, Americas, at maging sa Africa. Pinananatili nilang buhay ang Kristiyanong tradisyon ng mga Pilipino saan man sila manirahan o magtrabaho. Maraming simbahan sa ibayong dagat ang nag-uumapaw sa mga Pilipino tuwing Linggo.
Ang Lantern Festival ng San Fernando, kung saan nagmula ang 16 na talampakan na nasa Singapore, ay inilunsad sa Bacolor, at lumipat sa San Fernando noong 1904. Nang magkaroon na ng kuryente noong 1931, napailawan na ang mga higante at makukulay na parol, may naggagandahang palamuti, at mga ilaw na kumukuti-kutitap sa saliw ng musika. Ang unang kapistahan ng parol ay idinaos bilang pagbibigay-pugay kay Pangulong Manuel L. Quezon na mayroong bahay pahingahan sa karatig na Arayat.
Maliban sa tatlong taon na nasa batas militar ang bansa—noong 1972 hanggang 1974—ang pista ng parol ay naging pangunahing tampok sa Kapaskuhan sa San Fernando. Mayroong mga taon na ang mga nagwaging parol ay isinasabit sa Luneta sa Maynila. Ngayong taon, magliliwanag sa Singapore ang higanteng parol, bilang simbolo ng tradisyong Pamasko ng mga Pilipino.
Hindi lamang pinakamahaba ang Pasko ng mga Pilipino—mula Setyembre 1 hanggang sa Pistal ng Tatlong Hari sa Enero—kundi isa rin sa pinaka-ipinagdiriwang sa buong mundo dahil na rin sa mga parol.