Kinumpirma kahapon ng Department of Health (DoH) na tuluyan nang gumaling ang ikaanim na tinamaan ng Zika virus sa Pilipinas.

“The only update [about Zika virus infection] that I can give you is that the 45-year-old female from Iloilo has fully recovered from the illness, which is good news,” sinabi ni DoH Spokesperson Eric Tayag sa panayam kahapon.

Ang may asawa ngunit hindi buntis na babae ay nanatili lang sa bahay habang nagpapagaling sa sakit, ayon sa opisyal.

Kaugnay nito, sinabi ng kagawaran na posibleng maobliga itong magpatupad ng istriktong pregnancy measures sakaling dumami ang kaso ng Zika virus infection sa bansa.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Kabilang sa mga sintomas ng Zika infection ang dalawa hanggang pitong araw na lagnat, skin rashes, pananakit ng kasu-kasuan o conjunctivitis. Maaari ring makaramdam ang pasyente ng pananakit ng mga kalamnan, kirot sa likod ng mga mata at pagsusuka.

Bagamat hindi malalang karamdaman, pinangangambahan ang sakit dahil sa naidudulot nitong birth defect—ang microcephaly o pagkakaroon ng maliit na ulo at utak—na iniuugnay sa sakit.

Sa panayam kahapon, pinayuhan ni DoH Spokesman Eric Tayag ang mga kasalukuyang buntis na kumonsulta sa kanilang mga doktor.

“Kumunsulta muna kayo sa doctor. ‘Yun muna ang payo namin. ‘Di muna kami magbibigay ng blanket recommendation sapagkat wala pa kaming nakikitang sitwasyon na dapat na nating gawin ‘yun,” ani Tayag.

“Sa ngayon… kung kayo ay buntis, balak magbuntis, pumunta ho kayo sa inyong OB gynecologist. Sabihin n’yo po ang pangamba ninyo para mabigyan kayo ng payo, lalo na halimbawa ang babanggitin n’yo, ‘Eh, kasi ho ang asawa ko ay nanggaling sa ibang lugar’,” dagdag niya.

“OB gynecologist ang mag-a-assess ng sitwasyon, kasi ayaw naming panghawakan ‘yun. Kasi bakit? Kasi pupunta ka sa doctor. Ayaw naming kami sa DoH ang magsasabi. Pero ‘pag dumating ang panahon na kumbinsido kami, kami na mismo ang magsasabi sa mga doctor. ‘Di na pwede ‘yang case to case basis, ito na ang dapat n’yong gawin,” paliwanag niya.

(Charina Clarisse L. Echaluce)