Naungusan ng 46th seed Philippine women’s team ang 57th seed Mexico, 3-1, habang tumabla ang 53rd seed men’s squad laban sa 12th seed Norway sa ikaanim na round nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.

Umusad ang Pinay woodpushers sa pangkalahatang ika-17 puwesto sa 140 bansa na kalahok bitbit ang kabuuang 16 puntos.

Mapapalaban ng husto ang Pinay kontra sa No. 8 Hungary sa ikapitong round.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sinandigan ang women’s team nina WGM candidate Janelle Mae Frayna (2281), WIM Jan Jodilyn Fronda (2128) at Catherine Secopito (2119) kontra WIM Alejandra Guerrero Rodriguez (2043), WIM Lilia Ivonne Fuentes Godoy ( 2142) at WFM Miriam Parkhurst Casas (1993).

Nagtamo naman ng kabiguan sa Board 4 si WFM Shaina Mae Mendoza (1965) kontra kay WIM Ivette Ale Garcia Morales (2006).

Nagawa namang maitulak ng men’s team ang laban kontra Norway sa 2-2 draw.

Tangan nila ang kabuuang 17 ½ puntos.

Nakihati ng puntos sa Board 1 si GM Julio Catalino Sadorra (2560) kay GM Magnus Carlsen (2857) gayundin si GM John Paul Gomez (2492) kontra GM Jon Ludvid Hammer (2651) sa Board 2.

Hindi rin nagpatinag si GM Eugene Torre (2447) sa Board 3 kontra kay GM Aryan Tari (2570) habang kinumpleto ni GM Rogelio Barcenilla ang paghahari sa puntos kontra kay GM Frode Urkedal (2537) sa Board 4 upang okupahan ng Pinoy ang pangkalahatang ika-19 na puwesto sa 180 bansang kasali sa Open division.

Sunod na makakasagupa ng Pilipinas ang 36th seed taly na may natipon namang 16 na puntos. (Angie Oredo)