DAHIL sa desisyon ng Court of Appeals na nagpapatigil sa pagsusuri ng Philippine Competition Commission (PCC) sa pagbebenta ng San Miguel Corp. (SMC) ng P70-bilyon halaga ng telco assets nito sa Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) at Globe Telecom, inaasahan natin ang malalaki at pawang positibong pagbabago sa serbisyo ng dalawa sa pangunahing telecom providers sa bansa sa mga susunod na buwan.
Matapos ang dalawang linggong pagdinig, nagpalabas ang Court of Appeals ng writ of preliminary injunction na nag-uutos sa PCC na ihinto ang isinasagawang pagbusisi sa kasunduan ng bentahan habang dinidinig ng korte ang mga petisyong inihain ng PLDT at Globe. Iginiit ng PLDT na alinsunod sa batas ay itinuturing nang aprubado ang nasabing kasunduan, nang umeksena ang PCC. Sa katunayan, anang kumpanya, sinimulan na ng subsidiary nitong Smart ang pagpapatupad sa kasunduan at gumamit ng frequencies na binili nito, kasama ang Globe, mula sa SMC.
Hangad ng Philippine Competition Commission na maimbestigahan ang kasunduan dahil napigilan umano nito ang nakatakdang pagpasok sa bansa ng ikatlong kumpanyang telcom na maglulunsad sana ng mobile business nito bago matapos ang 2016, ngunit sinasabing hindi napatunayan ng bagong kumpanya na may kakayahan ito upang maging ikatlong pangunahing Internet service provider sa mga Pilipino.
Sa iginigiit ng PCC na may posibilidad na mapigilan o malimitahan ng kasunduan ang kumpetisyon, binigyang-diin na ang merkado ngayon ay mayroon nang umiiral na kumpetisyon, hindi lamang sa pagitan ng Smart at Globe ngunit sa dalawang iba pang kumpanya. Sakaling mayroong malaking kumpanya na nais sumabak sa industriya ng telecom sa bansa, malaya itong makapagsisimula.
Pinalugitan ang Smart at Globe ng isang taon upang pahusayin ang kanilang serbisyo kasunod ng 700-megaherz deal na inaprubahan ng National Telecommunication Commission. Nasimulan na nila ito nang makialam ang PCC at inihayag na sisiyasatin nito ang posibleng paglabag sa Philippine Competition Act.
Dahil sa desisyon ng Court of Appeals, dapat nang papaghusayin ng mga kumpanyang telecom ang pagpapabuti ng serbisyo na nasimulan na nila. Hindi aktibo ang 700-megaherz spectrum sa nakalipas na mga taon; dapat na lubusin na ngayon ng PLDT at Globe ang paggamit dito upang mapabuti ang Internet services sa bansa.
Nagdeklara ang dalawang pangunahing telecom operator ng pangakong isasakatuparan ito, at sa katunayan ay agad silang nagsimula matapos nilang bilhin ang bagong spectrum. Makatutulong ito na mabigyang katuparan ang matagal nang inaasam ng bansa kung maghahayag sila ng aktuwal na panahon, detalye ng mga hakbanging isinasagawa upang maisakatuparan ang ipinangakong mas mabilis na Internet services, at—hanggang sa makakayang gawin—ay mapababa ang singil nito sa mga consumer.