PINASINAYAAN ng Department of Health (DoH) at Bloomberry Cultural Foundation Inc. (BCFI) ang bagong apat na palapag na Mother and Child Hospital sa bago nitong lokasyon bilang parte ng Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC) modernization project, iniulat ng Philippines News Agency (PNA).

Binuo ng gobyerno ang bagong pasilidad na matatagpuan sa Cabalawan village ng siyudad sa pamamagitan ng P300 milyong donasyon mula sa BCFI, isang corporate social responsibility arm ng Bloomberry Resorts and Hotels, Inc. na pinangasiwaan ng bilyonaryong si Enrique Razon, Jr.

Ito ang unang gusali na nakumpleto sa bagong regional hospital site sa hilagang bahagi ng siyudad.

Ayon kay DoH Secretary Paulyn Jean Ubial, ang proyekto ay produkto ng public-private partnership upang magkaloob ng mas maayos na health services sa mahihirap na Pilipino.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“We need everybody’s cooperation and assistance to make the health system work in this country. This building is a work of everybody - private sector, national government, local government, and hospital staff.

They are all part of the growth and development,” pahayag ni Ubial.

Dumalo si Sen. Panfilo Lacson sa inagurasyon. Isa siya sa mga opisyal na naghanap ng mga donor para sa proyekto sa kanyang kakayahan bilang Presidential Adviser for Rehabilitation and Recovery.

“This looks like a private hospital.

This is a product of private sector initiative,” sambit ni Lacson.

Nanawagan ang departamento ng pangkalusugan na mas palawigin pa ang paggamit ng birthing facility, particular na ang mga nakatira sa Samar Island.

Tuluyang binuksan sa publiko ang 100-bed capacity hospital na may lawak na 4,715 square meter nitong Lunes, makalipas ang 16 na buwang konstruksiyon.

Nag-aalok ang outpatient department nito ng prenatal immunization, preventive care, growth monitoring, programa para sa mga batang magulang, family planning, newborn screening, under five clinic, at pag-aalaga para sa mga sanggol.

Habang sa in patient services ay binubuo ng normal deliveries, uncomplicated pre-term labor, “Unang yakap”, kangaroo mother care, exclusive breastfeeding, newborn care, human milk bank, at caesarean section.

Mayroon ding ancillary services gaya ng radiology, laboratory, dietetics nutrition, at blood bank.

Parte ng EVRMC modernization program ay ang ilipat ang kabuuang pasilidad mula sa city center patungo sa isang storm surge-safe area sa Cabalawan village. Ang paglilipat ay sinimulan ngayong taon at inaasahang matatapos sa 2018.