Inaresto kahapon ng madaling araw ng mga pulis at sundalo ang tatlong hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na umano’y magsasagawa ng pambobomba sa Zamboanga City.

Kinilala ni Supt. Rogelio C. Alabata, hepe ng Police Regional Office (PRO) - 9 Public Information Office, ang mga nadakip na sina Jamar Musa, 44; Ahmad Tandih, 33; at Omar Kumbing, 36 anyos.

Sinabi ni Alabata na ang tatlong nadakip ay pinaniniwalaang miyembro ng Ajang Ajang Group ng Abu Sayyaf na nakabase sa Sulu.

Napaulat na magsasagawa ang tatlo ng pambobomba sa Zamboanga City, batay sa resulta ng monitoring ng intelligence community simula nitong Linggo.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Ayon kay Alabata, nagsasagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Zamboanga City Police Office (ZCPO), Special Weapons and Tactics (SWAT), Regional Public Safety Company (RPSB)-9, Zamboanga City Police Station 7, Zamboanga City Police Station 11, at Naval Intelligence Security Group (NISG) sa Barangay Pasonanca, Zamboanga City nang maaresto ang mga bandido dakong 3:20 ng umaga kahapon.

Nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang granada, isang .38 caliber revolver na may anim na bala at dalawang cell phone.