ISULAN, Sultan Kudarat – Binalot ng takot at mga espekulasyon ang maraming residente sa Sultan Kudarat at mga kalapit na lalawigan matapos na pasabugin ng Explosives Ordnance Division ng pulisya ang anim na tonelada ng iba’t ibang uri ng pampasabog nitong Huwebes ng gabi, sa isang bahagi ng liblib na Barangay Tetulok sa Bagumbayan.

Inakala ng mga taga Tacurong City na muli na namang umatake ang mga terorista, hanggang sa pawiin ng awtoridad ang kanilang agam-agam kaugnay ng lehitimong pagpapasabog ng mga bomba, na nagmula pa sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame sa Quezon City.

Ayon naman kay Sultan Kudarat Police Provincial Office Director OIC Senior Supt. Raul Supiter, hindi nagkulang ang pulisya at militar, gayundin ang mga pamahalaang lokal, sa pagbibigay ng kaukulang impormasyon at babala kaugnay ng pagpapasabog ng bomba sa lugar.

Aniya, napapanahon nang pasabugin ang nasabing mga bomba dahil sa panganib na dulot ng taglay nitong kemikal sa mga residenteng malapit sa Camp Crame.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Lumikha ng pagyanig at napakalakas na ingay ang pagsabog kaya naman naalarma ang residente sa mga bayan ng Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Datu Hofer, Shariff Aguak at Buluan sa Maguindanao, habang nahintakutan naman ang mula sa mga bayan ng Norala, Sto. Niño at Surallah sa South Cotabato. (Leo P. Diaz)