PORMAL nang isinalin ni dating Sen. Loi Estrada ang pamumuno sa Mare Foundation sa kanyang panganay na anak na na si Ms. Jackie Ejercito.
Ginanap ang turn-over ceremony sa maayos at maganda na ngayong San Andres Gym kasabay ang panunumpa ng board of trustees ng Mare Foundation na itinatag pa noong 1996 ng dating pangulo at ngayon nga Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Naging aktibo ang Mare Foundation sa paglilibot sa buong Pilipinas para sa kanilang medical assistance program, livelihood projects, scholarships, at iba pang tulong sa mahihirap nating kababayan.
Pero ngayong si Mayor Erap ang namumuno ng Maynila, mas nakatuon ng pansin ang Mare Foundation sa mahihirap na Manileño. Katunayan, may kung ilang beses na rin naman silang naramdaman ng mga kabarangay namin dito sa Tondo.
Kabilang sa mga opisyales ng Mare ang asawa ni Sen. Jinggoy Estrada na si Precy Ejercito (vice chair) at kasama rin sina Corina Ponce Enrile Yenko (treasurer), Maria Cristina Morada (corporate secretary), ibinuo ang board of directors nina Fr. Edward Lavin, Rowena Ejercito, Gabriel Ma. J. Lopez, Precy Mathay, Willin Chan, Evelyn Carballo at si Ms. Benita Tanyag.
Sa kanyang acceptance speech, inamin ni Ms. Jackie na nag-alangan siya nang unang banggitin sa kanya ng ina na siya na ang mamumuno ng foundation. Pero nang maramdaman niya na higit na siyang kailangan ng mahihirap na mga taga-Maynila ay wala raw siyang magawa kundi tanggapin ang alok ng ina.
Bilang panganay na anak, kay Ms. Jackie isinalin ang pagiging chairperson ng Mare Foundation, paliwanag sa amin ni Ms. Tanyag na sinagot din ang isyung paghahanda ito ni Mayor Erap kay Jackie para maging sunod na mayor ng Maynila.
“Well, si President Erap na rin ang nagsabi sa amin na, ‘Let us spare, Jackie sa politics.’ Ayaw niyang maging pulitiko si Jackie,” sabi ni Ms. Tayag sa amin.
Tungkol naman sa love life ni Ms. Jackie, ayon pa kay Ms. Tanyag, hindi naman daw isinasara ng panganay nina Erap at Dra. Loi ang magkaroon ng panibagong makakasama sa buhay. Pero sa ngayon daw ay mga anak ang madalas na nakakasama ni Ms. Jackie.
Samantala, maluha-luha si Ms. Jackie nang ipinakita sa “video clips” ang mga nagawang paglilibot at pamamahagi ng tulong ng Mare Foundation sa kapuspalad na mga Manileño. (Jimi Escala)