NGAYON ay World First Aid Day, isang pandaigdigang kaganapan para palawakin ang kamalayan sa kahalagahan ng first aid training, para mapigilan ang mga pinsala sa katawan at makapagligtas ng buhay sa araw-araw at sa mga mapanganib na sitwasyon, para na rin maitaguyod ang accessibility ng first aid sa lahat, kabilang ang pinakamahihina – mga bata, may kapansanan, at matatanda.

Ginaganap tuwing ikalawang Sabado ng Setyembre, ang pagdiriwang ay inorganisa ng International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies (IFRC) noong 2000 at simula noon ay ipinagdiriwang na kada taon. Ang tema ngayong taon ay “First Aid Saves Lives. Learn First Aid. Be a Hero.”

Tinutukoy ng “first aid” ang pagbibigay tulong sa isang taong nasaktan mula sa biglaang pinsala o sakit, para mailigtas ang buhay at maiwasang lumala ang kondisyon. Hindi ito laging ginagawa ng isang medical personnel. Sa emergency situation, kailangang maglapat ng first aid ang mga ordinaryong tao para makapagligtas ng buhay. Ang tatlong mahalagang hangarin ng first aid, na tinatawag din na “3Ps” ay: Preserve life, Prevent further harm or danger of further injury, at Promote recovery.

Madalas na simple ang mga paraan ng first aid pero nakapagliligtas ng milyun-milyong buhay. Sa emergency, 90 porsiyento ang naililigtas ng mga unang rumesponde.

Milyun-milyong katao ang nasasaktan at namamatay sa mga pinsala sa katawan dahil sa hindi sapat na pagtugon o kakulangan ng oras para matulungan agad ito. Ang first aid ay paglalaan ng unang pag-aalaga kapag ang isang tao ay may sakit o injured, madalas isinasagawa ito ng ordinaryong tao hanggang dumating ang mga eksperto sa medikal at ambulansya. Maaari itong makapagpababa ng rate ng kamatayan, pinsala sa katawan, at mapataas ang posibilidad na mailigtas ang tao sa panganib ng buhay.

Hinihimok ang mga tao at komunidad na sumailalim sa basic first aid training tulad ng paggagamot sa pagkabigla, pagdurugo at pagkasugat, pagkasunog, pagkabulon, pinsala sa mata, pagkahimatay at heat stroke, para epektibong tumugon sa madalas na injuries, aksidente, at biglaang sakit. Kada taon, mahigit 100 Red Cross at Red Cross Society sa buong mundo ang nagpapaunlak ng practical training para sa mga komunidad. Sa buong 100 taon, pangunahing serbisyo ang first aid ng Red Cross at Red Crescent volunteers; nagsasanay sila ng mahigit 14 na milyong katao sa buong mundo kada taon.

Ang Philippine Red Cross, kasama ang IFRC at Red Cross Societies sa buong mundo, ay nagsasagawa ng first aid at basic life support training para sa mga kawani nito. Mayroon itong 52,444 na trained volunteers first aiders na maaaring asahan para maglaan ng emergency first aid care sa mga pasyente sa gitna ng mga casualty incident, tulad ng malakas na lindol, disaster, at emergencies.