Inamin ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na ang pagtutulung-tulong ng mga pulis upang maiwasan ang pag-atake ng mga terorista sa ating bansa ay bahagyang nakaapekto sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga.
Gayunman, sa kanyang pagbisita sa Mindoro nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Dela Rosa na hindi ito nangangahulugan na maaantala ang kanilang target na susugpuin ang ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Idinagdag niya na sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang kanilang kampanya laban sa mga terorista ay napapadali.
“Somehow may epekto pero hindi pa din made-derail (ang aming kampanya),” diin ni Dela Rosa. “Pipilitin natin na manalo tayo sa gyera sa droga. Pipilitin natin by all means. Iyan ang pinaka-primary objective natin ngayon.
“But, iyon nga, at the same time sine-secure natin ang ating mga urban centers para sa possible terror attacks kaya nga pinapasok ang military. Very crucial ang role nila dito sa ating kapulisan,” dagdag ng PNP chief.
Patuloy ang PNP, katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsasagawa ng mga checkpoint sa iba’t ibang bahagi ng bansa kasunod ng pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng State of National Emergency. (Francis T. Wakefield)