Sinuspinde ng 90 araw ng Sandiganbayan Sixth Division si Camarines Sur 1st District Rep. Luis Raymund “LRay” Favis Villafuerte, Jr. dahil sa graft charges na isinampa laban sa kanya na may kaugnayan sa maanomalyang pagbili ng gasolina na nagkakahalaga ng P20 milyon noong siya pa ang gobernador ng Camarines Sur.
Si Villafuerte ay nahaharap sa tatlong graft charges sa paglabag sa Section 3(e) ng R.A. 3019, na kilala rin bilang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Iniulat na itinuloy pa rin niya ang pagbili sa gasolina kahit na hindi dumaan sa wastong bidding process.
Nagsampa ang prosecution ng motion to suspend laban kay Villafuerte noong Hulyo 29, 2016, at nagpasa naman ng pagkontra rito ang kampo ni Villafuerte noong Agosto 22, 2016.
Nagpahayag ang prosecution na “mandatory” ang suspensiyon kay Villafuerte dahil siya ay isinakdal na sa hukuman noong Oktubre 8, 2013 at kailangang patawan ng isinasaad sa Section 13 of R.A. 3019, na, “any public officer against whom any criminal prosecution under a valid information under this Act or under the provisions of the Revised Penal Code on bribery is pending in court, shall be suspended from office.”
Samantala, ikinatwiran ng kampo ni Villafuerte na ang kanyang suspensiyon “serve no purpose considering the advanced stage of the instant criminal proceedings.” Idinagdag na ang akusasyon ay walang kaugnayan sa posisyon ngayon ng kongresista.
Pagkaraang masuri ang sinasabi ng magkabilang panig, kinatigan ng Sandiganbayan ang prosecution at inatasan si Villafuerte “(to) cease and desist from further performing or exercising the functions, duties and privileges of his position as congressman” sa loob ng 90 araw. (Czarina Nicole O. Ong)