CEBU CITY – Pinaigting ng pulisya ang seguridad sa mga terminal ng bus at pantalan kahapon kaugnay ng inaasahang dagsa ng mga pasaherong magsisiuwian sa kani-kanilang lugar para sa long weekend.
Madaling araw kahapon ay dagsa na ang mga pasahero sa mga bus terminal, kabilang ang pinakamalaking Cebu South Bus Terminal, at mga pantalan sa Cebu City para sa mahaba-habang bakasyon dahil holiday sa Lunes.
Nagsimula na kahapon ang apat na araw na bakasyon sa Cebu dahil idineklara ang Setyembre 9 bilang special non-working holiday sa lalawigan, kaugnay ng pagbibigay-pugay kay dating Pangulong Sergio Osmeña, Sr.
Nagpakalat din ng tauhan ang Cebu Coast Guard sa iba’t ibang pantalan sa probinsiya upang pagbawalang maglayag at magsakay ng pasahero ang mga hindi lisensiyadong bangkang de-motor.
Sinimulan na ring paigtingin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang security measures sa lahat ng paliparan sa Western Visayas.
Ayon kay Efren Nagrama, regional head ng CAAP-Western Visayas, dahil sa ipinatutupad na enhanced security ay dapat na mas maaga ang mga magtutungo sa airport dahil inaasahang mahaba ang pila kaugnay ng mahigpit na security checks sa bawat pasahero. (Mars Mosqueda, Jr. at Jun Aguirre)