ANG mga simbahan ang sanktuwaryo ng pananampalataya ng mga Katolikong Kristiyano. Karaniwan, ang mga simbahan ay nasa kabayanan at malawak ang lugar na kinatatayuan.

Sa mga simbahan ginaganap ang iba’t ibang ritwal, tradisyon na kaugnay ng relihiyon tulad ng mga misa mula Lunes hanggang Linggo, mga kasal, binyag, kumpil at maging ang misa at ritwal sa isang namayapa bago ihatid sa huling hantungan. Sa mga simbahan din ginaganap ang mga nobena-misa kapag malapit na ang pagdiriwang ng kapistahan ng patron saint o patroness ng bayan at lungsod. Dinaragsa ang nobena ng mga may panata at debosyon sa kanilang patron saint upang magpasalamat at hingin ang patuloy na patnubay sa tulong ng Poong Maykapal.

Sa Rizal, lalo na sa mga bayan sa silangang bahagi ng probinsiya, kapansin-pansin na ang mga simbahan ay luma na ngunit matitibay. Karamihan ay itinayo may tatlo o apat na siglo na ang nakalilipas. Tourist destination na at karaniwang pinupuntahan ng mga deboto sa Rizal at Metro Manila tuwing Kuwaresma at Semana Santa upang maging bahagi ng kanilang Visita Iglesia. Isang halimbawa ang simbahan ng Morong.

Ang salitang Morong, ayon sa kasaysayan ng nasabing bayan sa Rizal, ay hango sa pangalang MORO, isang matapang na mandirigma na namuno sa isang barangay sa may paanan ng bundok ng Sierra Madre. Nang lumaon, tinawag ang barangay na MORONG bilang pagkilala at parangal sa nasabing lider-mandirigma.

Sinasabing ang mga unang Kastila na dumating sa Morong ay hindi mga paring misyonero kundi mga tropang mapanakop noong 1572. Ang pangkat ng mga Kastila ay nasa pamumuno ni Kapitan Juan Maldonado. Ang Morong ang naging sentro ng pamamahala.

Tinawag ang Morong na Rinconada de Morong. Makalipas ang anim na taon, taong 1578, bumalik ang mga Kastila. Kasama ang dalawang paring misyonero na sina Padre Juan de Placencia at Padre Diego de Oropesa. Sinimulan ang kanilang misyon at evangelization. Natuklasan ng dalawang paring misyonero na ang Morong ang tamang lugar para sa kanilang misyon. Nagtayo ng mga kapilya sa mga katabing sitio. Ang mga sitio na naging bayan at parokya ay ang Baras, Tanay, Pililla, Cardona, at Teresa.

Itinayo ang unang simbahan sa Morong sa Barangay San Pedro. Ngunit nasunog ito noong 1612. Muling itinayo noong Hunyo 24, 1850 at natapos noong Pebrero 2, 1853. (Clemen Bautista)