Sa halip na sumuko, nanlaban pa umano ang apat na lalaki na sinasabing sangkot sa ilegal na droga sa ikinasang “Oplan Double Barrel” ng National Capital Region Office (NCRPO) sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Sa inisyal na ulat kay NCRPO PDIR Oscar Albayalde, napatay matapos manlaban sina John Lester Poroganan, Alacito Villamor, Richard Gilvano at Jestoni Yu Tecson, pawang nasa hustong gulang at residente ng Villa Espana 2, sa may looban ng Barangay Tatalon, Quezon City.
Base sa imbestigasyon ni QCPD Director Police Sr. Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, dakong 1:00 ng madaling araw isinagawa ang Oplan Double Barrel, sa pangunguna ni Police Supt. Christian Dela Cruz, at nanlaban umano ang apat na nauwi sa 15 minutong putukan.
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang bloke ng marijuana, mga pakete ng shabu, isang .45 caliber at tatlong kalibre .38 baril.
Samantala, inamin ni Alma, ina ni Gilbano, na matagal na niyang pinagsasabihan ang anak na itigil na ang bisyo ngunit hindi umano nakinig. (Jun Fabon)