Sunud-sunod na pinaputukan ng riding-in-tandem ang isang ginang na sinasabing “tsu-tsu” o asset ng mga pulis sa Caloocan City, noong Miyerkules ng gabi.
Dead on arrival sa Caloocan City Medical Center si Mary Ann Vergara, 40, ng Natividad Street, Barangay 81 ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala ng cal. 45 sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Edgar Manapat, dakong 8:30 ng gabi nangyari ang pamamaril sa kahabaan ng MacArthur Highway, sa panulukan ng Uno Street, Caloocan City.
Nagtatawag umano ng pasahero si Vergara nang lapitan siya ng mga suspek na lulan sa motorsiklo na walang plate number at walang habas na pinagbabaril.
“Matao ‘yung lugar pero hindi nailang ang mga suspek na patayin ang biktima,” sambit ni PO3 Manapat.
Napag-alaman na bukod sa pagiging asset ng pulis, nagbebenta rin umano si Vergara ng ilegal na droga at suki umano niya ang mga jeepney driver na namamasada sa nasabing lugar. (Orly L. Barcala)