Matapos katukin ang bawat bahay sa first class subdivision, isusunod na ng Southern Police District (SPD) ang mga high-end condominium, partikular na sa Makati at Taguig City, sa pinaigting na kampanyang “Oplan Tokhang”.

Ipinahayag kahapon ni acting SPD Director Senior Supt. Tomas Apolinario Jr. na nakikipag-ugnayan na sila kinauukulan upang isa-isang makatok ang mga condominium building sa Phase 2.

“On the Phase 1, we knocked on the doors of drug personalities. Now, we only disseminate information to as many residents as possible. We knock and we inform them about the anti-illegal drug program of the government,” pahayag ni Apolinario sa sideline interview sa idinaos na ika-50 anibersaryo ng National Police Commission (Napolcom) sa Philippine International Convention Center (PICC), sa Pasay City.

Base sa datos ng SPD, umabot na sa kabuuang 15,500 bahay ang nakatok sa operasyon; 10,800 drug user at pusher ang sumuko; 44 na suspek na sangkot umano sa ilegal na droga ang napatay sa engkuwentro, at 1,200 ang naarestong drug suspect.

Ayon pa kay Apolinario, kinatok din ng mga pulis ang mga bahay ng ambassador ng India at Oman at pati na rin ang bahay ni Chairman Jose Concepcion sa Forbes Park, Makati City noong Lunes.

National

PNP, nakahanda sa posibleng pagbabalik-bansa ni Zaldy Co

Suportado ni Indian Ambassador to the Philippines Lalduhthlana Ralte ang kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyong Duterte sa kabila ng mga kontrobersiya.

“He knows the problem of illegal drugs because his country had the same situation before that’s why he supports the government. Each country has its own techniques and he wants the administration to succeed,” ayon pa kay Apolinario.

Samantala, nagsagawa kahapon ng operasyon ang SPD sa Dasmariñas Village at San Lorenzo Village sa Makati, at kabilang ang bahay ni Mayor Mar-Len Abigail Binay sa mga kinatok.

At dahil karamihan sa mga binibisitang bahay ay kasambahay ang humaharap, umapela si Mayor Binay sa mga opisyal ng Homeowners Association at mga residente na payagan ang SPD na magsagawa ng Oplan Tokhang sa loob ng subdivision.

“The war against drugs can only be won if we extend our full cooperation with the police, especially in locating known pushers and users in our own backyard,” giit ng alkalde. (BELLA GAMOTEA)