Naging madugo ang pagdiriwang ng anibersaryo ng isang fraternity nang mabaril at mapatay ng isa sa mga miyembro ng grupo ang isang pulis sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Dead on the spot si PO1 Louie Wang, 32, nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Station 1, at residente ng Block 14, Lot 17, Yellow Bell Street, NBBS Proper, Navotas City dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, naaresto naman ng mga nagpapatrulyang elemento ng Tactical Motorcycle Rider Unit ng MPD-Station 2 ang suspek na si PO1 Mark Sagun, 31, nakatalaga sa Regional Police Holding Accounting Unit (RPHAU) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City, at residente ng 551 Block 37, Welfare Ville, Mandaluyong City.

Sa ulat ni SPO2 Charles Duran ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nabatid na dakong 8:10 ng gabi nangyari ang pamamaril sa tahanan ni Cesar Lajom, 46, sa 1240 Canal Dela Reina St., sa kanto ng Pavia St., Tondo, Maynila.

Nag-iinuman umano sina Wang at Sagun at ilang “ka-brad” sa naturang lugar upang ipagdiwang ang anibersaryo ng kinaaanibang fraternity na Magic 5.

'All women unit' ng Philippine Army, pinasok isa sa mga kuta ng NPA!

Maya-maya pa’y magkasama umanong umalis ang biktima at suspek at nang bumalik ay nagtatalo na umano sa hindi malamang dahilan hanggang sa binunot umano ni Sagun ang kanyang baril at sunud-sunod na pinaputukan ang biktima.

Narekober mula sa pinangyarihan ang tatlong piraso ng bala, anim na basyo ng bala, 15 live ammunition, isang glock .9mm, at PNP identification card ng suspek na may kasama pa umanong pakete ng shabu. (Mary Ann Santiago)