phillip-copy

MAGSASAMA sina Phillip Salvador at si Jerome Ponce upang ibahagi ang kuwento ng apo na pilit na itinatago ang tunay na kasarian sa kanyang lolo sa Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado (September 6).

Iniwan ni Elang (Ella Cruz) ang kanyang anak na si Gilbert (Jerome) sa lolo nitong si Ilong (Phillip) upang maghanap ng trabaho sa siyudad. Sa hindi inaasahang pangyayari, si Elang ay hindi na bumalik sapagkat siya ay nabuntis ng ibang lalaki roon.

Kaya simula noon ay si Ilong na ang nagtaguyod sa apo. Bagamat napapansin kung minsan ang malamyang kilos ni Gilbert, hindi niya ito pinansin at nagpatuloy lang sa pagsisikap na maibigay ang pangangailangan nilang maglolo. Dahil sa takot sa magiging reaksiyon ng lolo, patuloy na itinago ni Gilbert ang kanyang tunay na sekswalidad at nagiging komportable lang sa sarili kapag nasa eskuwelahan.

Trending

Babaeng gusto na magkaanak, nakipag-s*x sa iba dahil laging busy ang partner niya

Papasok na dapat ng kolehiyo si Gilbert nang unti-unting lumiit ang kita ni Ilong. Kakaunti na lang ang kumukuha sa kanya dala na rin ng kanyang edad.

Paano niya mapag-aaral si Gilbert? Paano aaminin ni Gilbert ang katotohanan sa lolong kilalang siga sa kanilang lugar? Manaig kaya ang pagmamahal niya sa lolo?

Ang espesyal na Grandparents Day episode ng MMK, pagsaludo sa lahat ng mga lolo at lola ang handog ng programa.

Makakasama nina Phillip at Jerome sa upcoming episode ng MMK sina JB Agustin, Manuel Chua, Eric Nicolas, Josh de Guzman, Dang Cruz, Lui Manansala, at Nico Antonio mula sa panulat nina Benson Logronio at Arah Jell Badayos at sa direksiyon ni Raz de la Torre.